Nakapagtala pa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng anim pang pagyanig sa Taal Volcano sa nakaraang 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, tumagal ng hanggang apat na minuto ang mahinang paglindol sa palibot ng bulkan.
Sa monitoring ng ahensya, nakitaan ng upwelling o pag-angat ng volcanic fluid sa lawa.
Nagbuga rin ito ng 600 metrong nakalalasong usok at napadpad sa timog kanluran ng bulkan.
Dahil dito, ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang paglapit o pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI), lalo na sa Main Crater at sa Daang Kastila fissures.
Bawal pa rin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.
Idinagdag pa ng ahensya, posibleng magkaroon ng biglaang pagputok o phreatic explosions ang bulkan na sasabayan ng pagbuga ng abo.