“June, please be good to me!”
Ito ang makikitang post ng maraming netizen tuwing sumasapit ang unang araw ng bagong buwan na nagsisilbing “wish” sa maayos na panibagong yugto.
Partikular sa buwan ng Hunyo, dahil ito ang kalahati ng taon, muling nabubuhay ang journals at planners na naalibukan sa gilid ng study table matapos mawala ang motivation ng ilan sa kanilang “new year’s resolutions” noong Enero.
Kaya upang makulayan at sumakses na sa “goals” na nai-drawing sa mga unang araw ng 2026, ito ang “toxic habits” na kailangan nang itapon at kalimutan:
Procrastination
Itinuturing na “productivity killer” ng mga eksperto ang procrastination dahil sa paulit-ulit na pagpapaliban ng mga gawain.
Kaya ito rin ay nagdudulot din ng pagkabalisa at stress, na maaaring mauwi sa depresyon at kawalan ng motibasyon sa paggawa at pagtatapos ng sinimulang gawain.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano ititigil ang procrastination?
Digital distractions
Bagama’t ang kasalukuyang lipunan ay nasa “digital age” na, ang palagiang pagtutok sa phone ay nagdudulot ng pagkasira ng focus mula sa mga mas importanteng bagay at nakaatas na responsibilidad.
Takot na hindi magtagumpay ang plano
Ang “fear of failure” ay kadalasang nauuwi sa hindi paglabas ng isang tao sa kaniyang comfort zone, na isa sa mga pagkakataon upang mas makilala ang mga kahinaan at lakas upang pagtibayin ang kalooban.
Dahil sa takot na itong bumagsak at matuto mula rito, ang isang indibidwal ay maaaring maging “stuck” o “stagnant” sa kaniyang pagkatuto.
Kakulangan ng pananagutan
Habang ang pagkakaroon ng pressure at stress ay itinuturing na nakasisira ng kalusugan sa pangmatagalan, ang pagkakaroon ng kaunti nito ay makatutulong upang maging apoy na tutulak sa pag-abot ng layunin.
Pag-asa sa motibasyon at will power
Sa iba pang pag-aaral, binabanggit na ang pagkakaroon ng layon o goals sa buhay ay maihahalintulad sa pagkakaroon ng destinasyon, at upang marating ito, kinakailangan ng maayos na sistema.
Habang nakatutulong ang motibasyon at inspirasyon upang makausad, ito ay panandalian lamang.
Ang itinuturong mahalaga sa pag-abot ng nilalayon sa buhay ay ang disiplina, maayos na sistema, at habits, na tutulak sa indibidwal bagama’t wala na siyang motibasyon o inspirasyon.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano hindi mapako sa Enero iyang New Year's Resolution mo?