Mariing itinanggi ni Sen. Raffy Tulfo na makikiisa ang minorya sa apela ni Senate President Alan Peter Cayetano na i-boycott ang Senado kaugnay sa naging pag-aresto ng mga awtoridad kay Sen. Jinggoy Estrada noong Lunes, Hunyo 1, 2026.
Matatandaang nagbaba ang Sandiganbayan noon ding Lunes ng ikalawang warrant of arrest laban kay Estrada kaugnay sa non-bailable case niya sa kinakasangkutan niyang maanomalyang flood control projects.
Pagkatapos nito, kusa namang sumuko si Estrada sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos ang kaniyang naging press conference sa Senado.
Noong Biyernes, Mayo 29, naghain ng ₱90,000 piyansa si Estrada para sa graft na isinampa rin sa kaniya ng Ombudsman. Kasunod nito, muli siyang naglabas ng pahayag at nanindigang walang mga tayan ang lahat ng inaakusa laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso
Sa naging pahayag naman ni Tulfo matapos hindi dumalo ang mga miyembro ng majority bloc sa nakatakdang sesyon sana ng Senado noon ding Lunes, sinabi niyang umapela raw sa minorya si Cayetano dahil kailangan daw isulong ang kalayaan ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Gusto niya [ni SP Cayetano], sumama kami sa kanila [at] i-boycott itong Senate,” pagsisimula niya.
Pagbabahagi pa niya, “Kasi sabi niya, kailangan daw independent ang Senate kahit saan namang situation.”
Ani Tulfo, alinsunod naman daw sa batas ang naging paghuli kay Estrada kaya wala raw silang dahilan para makiisa sa mayorya para i-boycott ang Senado.
“Rule of law ang nangyaring pag-aresto kay Sen. Jinggoy. Bakit kami sasama sa pambo-boycott [sa Senado],” aniya.
Pagpapatuloy ni Tulfo, magpapatuloy raw sila sa paggampan sa kanilang tungkulin bilang mga senador at nasa majority bloc na lang daw ang desisyon kung ayaw magtrabaho ng mga miyembro nito.
“Kami, magtrabaho lang. Siguro sila, ayaw nilang magtrabaho. It’s up to them,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: SP Cayetano hinamon, kinalampag ang minority bloc: 'Will you stand for the Senate’s independence?'