Nanawagan si Senate President Alan Peter Cayetano sa kaniyang mga kasamahang senador sa minority bloc na magkaisa sa pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan ng Senado sa gitna ng mga usaping bumabalot sa liderato at operasyon ng mataas na kapulungan.
Sa kaniyang bukas na liham para sa mga kasapi ng minority, nitong Lunes, Hunyo 1, iginiit niya na ang Senado ay isang kapantay na sangay ng pamahalaan at hindi dapat ituring na tropeo o gantimpalang maaaring angkinin ng sinuman.
“The Senate is a co-equal branch of government. It is not a prize to be claimed — by anyone,” saad niya.
Ayon sa senador, bagama’t may magkakaibang pananaw ang mga miyembro ng Senado hinggil sa liderato ng institusyon, dapat umanong magkaisa ang lahat sa paniniwalang ang mga usapin sa loob ng Senado ay dapat resolbahin ng mismong Senado.
“This chamber answers to GOD and the people who sent us here, and to no one outside these walls,” aniya.
Hindi man niya direktang tinukoy ang isang partikular na pangyayari, sinabi niyang nasusubok ngayon ang kalayaan ng Senado at ang legal na katayuan ng mga miyembro nito.
“The independence of this institution, and the legal standing of any of its members, are not currencies. The day they become things to be traded, is the day that the Senate is diminished. And after the Senate, the Republic,” pahayag pa niya.
Ang naturang pahayag ay inilabas sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Senado kasunod ng mga kontrobersiyang may kaugnayan sa liderato ng kapulungan, mga pagbabago sa Senate rules, at mga usaping kinasasangkutan ng ilang senador kagaya na lamang ng mga tangkang pag-aresto kina Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at ang huli, kay Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder na hindi puwedeng piyansahan.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat din niya ang minority bloc na manindigan para sa kasarinlan ng Senado at makiisa sa isang simbolikong hakbang upang ipakita ang kahalagahan ng institusyon.
“So I put one question to you, not as the majority but as the chamber: will you stand for the Senate’s independence?” tanong niya sa kanyang mga kasamahan.
Dagdag pa niya, nais niyang magkaisa ang mga senador sa isang “deliberate act” upang maipakita sa publiko ang kahalagahan ng Senado bilang isang independiyenteng sangay ng pamahalaan.
“I am asking you to join one deliberate act — to let the Senate go quiet, together and by choice, so the country is made to ask why a co-equal branch would fall silent rather than be made to serve,” saad niya.
Tinapos ng senador ang kanyang pahayag sa pagsasabing bukas ang pinto para sa pagkakaisa at nasa mga senador na ang pasya kung paano nila tutugunan ang hamon.
“The door is open. What you do with it is yours to answer — to this institution, and to the people watching it,” pagtatapos niya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon ang minority bloc kaugnay ng naturang panawagan.