Kinilala ng isang ospital sa Baguio ang katapatan ng kanilang utility worker matapos niyang ibalik ang perang nagkakahalagang ₱100,000 na naiwan sa kuwarto matapos ma-discharge ang isa sa kanilang mga pasyente.
Ayon sa pahayag ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGCHMC), noong Sabado, Mayo 30, ang nasabing utility worker ay kinilalang si Agnes Ammy Lebbet na na-assign maglinis sa pediatric private rooms ng Flavier Building.
“Ms. Agnes Ammy Lebbet, assigned at the Pediatric Private Rooms of Flavier Building, discovered the money while performing routine cleaning duties. Hospital protocol requires rooms to be immediately cleaned and disinfected after discharge to accommodate the continuous queue of patients awaiting admission,” saad ng BGHMC.
Saad pa rito, habang naglilinis sa cabinet drawer, unang natagpuan ni Agnes ang mga naiwang personal na gamit ng pasyenteng lumabas, kaya agad niya itong dinala sa nurse station, sakaling bumalik ang pamilya upang i-claim ito.
Sa pagpapatuloy ng kaniyang paglilinis sa iba pang drawers, nakita ni Lebbet ang isang binder na naglalaman ng kumpol ng ₱1,000 bills na may stamped marking na sumatotal sa ₱100,000.
“While cleaning a cabinet drawer, Agnes initially found personal belongings, which she promptly turned over to the nurse’s station, anticipating that the family might return to claim them. As she continued inspecting other drawers, she came across a binder containing a bundle of one-thousand-peso bills with a stamped marking indicating a total of ₱100,000,” saad pa sa pahayag.
Walang pag-aatubiling pumunta si Lebbet sa Flavier Lobby sa pagbabakasakaling naghihintay pa ang pasyente at kaniyang ina para sa sasakyan pauwi sa kanilang bahay.
Matagumpay namang nasundan ni Lebbet ang mag-ina at naibalik ang kanilang pera, na ipinagpasalamat ng ina ng pasyente at hiningi pa ang kaniyang personal na mga detalye bago makasakay pauwi.
“Without hesitation, Agnes rushed to the Flavier Lobby, where she believed the patient and his mother might still be waiting for transportation. She was able to track them and personally returned the cash. The patient’s mother expressed relief and gratitude, and quickly asked for Lebbet’s personal details before leaving as their vehicle had already arrived,” saad ng BGHMC.
Kinabukasan matapos ang insidente, binisita ng ina ng pasyente si Lebbet sa kanilang bahay, at bagama’t hiniling niyang panatilihin siyang anonymous, dinalhan niya si Lebbet ng kaban ng brown rice at mga gulay bilang pasasalamat sa pagiging tapat nito.
“Ganun po yung nasa isip ko, kailangan mong isauli kung hindi sa iyo,” saad ni Lebbet sa ospital sa kabila ng personal niyang pinansyal na obligasyon at mga utang.
Bilang utility worker, itinuturing ni Lebbet na ito’y isang marangal na trabaho lalo na kung gagawin ito ng may integridad.
Sa pagtatapos ng pahayag, binanggit pa na ilang araw matapos maibalik ang halagang ₱100,000, ibinalik ni Lebbet ang natagpuang wallet sa Pediatric Conference Room, na kalauna’y na-claim ng may-ari na isang medical intern.