Sino pa bang hindi nakakakilala kina “Sharmaine,” “Vanessa,” at “Melanie” ngayon?
“Talk of the town” ngayon sa social media ang mga pangalang ito matapos mag-viral ang skits ng content creator na si BAET tungkol sa mga prutas at langaw na gustong magpalit ng kanilang mga pangalan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Certified and notarized!' Supermarket sa isang mall sa Legazpi, nakisakay sa 'Sharmaine' trend
Matatandaang nauna rito ang orange na nagrereklamong mukhang hindi napag-isipan ang kaniyang pangalan kumpara sa ibang prutas, kaya dala ng pagkadismaya, gusto niyang “Sharmaine” na lamang ang itawag sa kaniya.
Ngunit dahil naudlot ang kaniyang pagpapanotaryo, hindi pa ito opisyal.
Sa kasalukuyan, naunahan siya ng langaw na nakikinig sa kaniyang hinaing, kaya nagdala raw ito ng abugado sa Philippine Statistics Authority (PSA) at ngayon ay opisyal na raw siyang “Vanessa.”
MAKI-BALITA: Bakit ‘Sharmaine’ ang itinatawag ng netizens sa prutas na orange ngayon?
Nito lamang Linggo, Mayo 31, ipinakilala ni BAET ang isa pang prutas na may inirereklamo rin sa kaniyang pangalan, ang avocado na nais maging “Melanie.”
Sa dami na ng mga kaganapang ito, tila mga taong hindi “chronically online” na lamang ang maguguluhan sa pagkakasunod-sunod ng kuwento nina “Sharmaine,” “Vanessa,” at “Melanie.”
Dahil dito, ano nga ba ang ibig sabihin ng terminong “chronically online?”
Ang “chronically online” ay isang internet slang na tumutukoy sa mga palaging updated sa mga pangyayari sa online world, mula sa viral trends at memes, hanggang sa latest chika at balita, dahil sa pagbababad sa iba’t ibang social media platforms.
Kadalasan, ang pagiging chronically online ay nakaaapekto sa ginagamit na mga salita ng isang indibidwal, gayundin ang bugso ng kaniyang emosyon, pinaglalaanan ng atensyon, at takbo ng relasyon sa ibang tao.
Ayon sa ilang pag-aaral, ang mga sumusunod ay senyales na “chronically online” ang isang tao:
1. Madalas na paggamit sa trends bilang reference sa mga kuwento at humor sa personal.
2. Pagkabalisa kapag ilang oras o araw nang hindi nakakapag-online.
3. Nagiging takbuhan ang internet at social media tuwing nagdadaan sa mataas na emosyon.
4. Nakakalimutang maging “present” sa personal dahil mas pinipili pang sumilip sa social media.
Habang hindi masama ang paggamit ng internet at social media, magiging masama ito sa kalusugan, katulad ng ibang bagay na nakasasama kapag nasosobrahan.
Dahil dito, narito naman ang ilang tips upang mabalanse ang social media sa personal na buhay:
1. Magkaroon ng “time limit” sa pag-scroll at iwasan ang doomscrolling o ang labis na panonood ng short-form content online.
2. Magkaroon ng maayos na boundaries sa pamamagitan ng pag-iwas sa pag-scroll habang kumakain o may kausap, at bago matulog.
3. Magkaroon ng “social media breaks” upang ma-reset ang utak.
4. Matutong maglaan ng oras sa offline activities tulad ng pag-eehersisyo, bonding kasama ang pamilya at mga kaibigan, at iba pang hobbies na hindi kinakailangan ng screen time.
5. Mag-unfollow ng contents at accounts na nagdudulot ng mga negatibong emosyon.