Sa pag-arangkada ng buwan ng Hunyo, muling naging makulay ang social media mula sa mga bahagharing nagsasabing hudyat na ng isang buwang pagsulong at pagkilala sa mahabang taong pakikibaka ng miyembro ng LGBTQIA+ community.
Mula sa social media patungo sa lansangan, tila unti-unti nang nailalabas sa aktwal na selebrasyon at protesta ang tunay na diwa ng Pride Month para sa mga taong may piniling kasarian. Patunay dito ang Pride events na nagiging safe space para sa LGBTQIA+ community at para sa mga hanggang ngayon ay nananatiling takot na iladlad ang tunay na kulay nila sa bahaghari.
Kaya naman ngayong buwan ng Hunyo, narito ang ilang Pride events na kasado na at budget-friendly pang puntahan:
Runrio Pride Run
Isa ang Runrio Pride Run sa pinakamalaking pride event tuwing Hunyo. Ngayong 2026, nakatakda itong gawin sa Pasay City (Hunyo 21), Cebu (Hunyo 28) at Davao (Hunyo 7).
Nagsisimula ang race category nila mula 1KM para sa mga fur parents (₱1,600), 3KM para sa mga beginner (₱1,400), 5KM sa halagang ₱1,600, 10KM sa halagang ₱1,000 at 16KM na may kasamang finisher’s shirt (2,000).
Noong 2025, umabot sa halos 8,000 runners ang nakiisa sa nasabing pride event.
Pride Run@QC (Hunyo 6)
Kumasa rin ang local government unit (LGU) ng Quezon City para sa isang ring Pride Run. Bagama’t Runrio rin ang organizer nito, mas mura at pasok sa budget ang registration fee nito dahil sa halagang ₱500 ay may race entitlements ka na katulad ng race shirts, race bib at finisher's medal.
Kween Con (Hunyo 20)
Kung drag icons naman ang hanap mo, sagot na ‘yan ng Kween Con na gaganapain sa Skydome SM North EDSA sa Hunyo 20. Maaari kang makabili ng ticket depende sa seating type na gusto mo: Tier 3 bench ticket sa halagang ₱1,500, Tier 2 Orchestra ticket sa halagang ₱2,500 at Tier 1 VVIP access sa halagang ₱3,500.
Kabilang sa mga drag queens na makikilahok dito ay sina Eva Le Queen, Marina Summers, Minty Fresh at marami pang iba.
Circuit Makati Pride events
Bukod sa QC, itinotodo rin ng Makati City ang Pride events nila na nagsimula pa noong Mayo 30 at magtatagal hanggang Hunyo 28. Maraming maaaring subukan sa paganap ng Ayala Circuit Makati mula sa mga art exhibit, bazaar, musical events at marami pang iba.
Graduation RIGHTS
Para naman sa mga queer graduates na gustong umawra sa kanilang pagtatapos, maglalaan ng espesyal na graduation ceremony ang QC LGU para sa isang safe space graduation rights ng mga miyermbro ng LGBTQIA+ community mula High School hanggang Doctorate Degree.
Love LAB4N Pride Festival (Hunyo 27)
Hindi maaaring mawala ang pinakamalaking pride festival sa Pilipinas na Love Laban na nasa ikaapat na edisyon na ngayong 2026. Isa itong librang event na dinadaluhan ng mga naglalakihang personalidad. Maghapon at magdamag ang pride festival na ito na may free concerts, merchants, food bazaar at marami pang ibang mga aktibidad.
Isa ang Pride March sa pinaka-highlight ng event na ito. Ngayong 2026, nakatakda naman itong gawin sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Hunyo 27.