Tila sumama ang loob ni Sen. Rodante Marcoleta sa naging pagtrato ng mga awtoridad sa kanilang mga miyembro ng Senate majority bloc.
Ito ay matapos umanong sigawan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla si Senate President Alan Peter Cayetano sa kasagsagan ng pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder.
Sa panayam ng DZBB Super Radyo nitong Martes, Hunyo 2, sinabi ni Sen. Marcoleta na masyado raw silang minaliit.
Aniya, “Bakit ganito na ang pagtrato sa amin? Minaliit kaming masyado. Minaliit kami. Pagkatapos sila [Senate minority] wala man lang ipinakita na protesta, halimbawa, huwag mo naman sisigawan ang Senate President namin.”
Matatandaang humirit umano si SP Cayetano kay Remulla na sa labas ng Senado arestuhin ang kabaro nilang si Sen. Estrada.
Ngunit paglabas pa lang umano ng opisina ni Sen. Estrada ay sinilbihan na siya ng arrest warrant mula sa 5th Division ng Sandiganbayan.
Ayon kay Remulla, iginiit umano ni Cayetano na kahit noong kapanahunan ni Sen. Jovito Salonga ay may immunity ang mga senador na madakip sa loob ng Senado bilang paggalang.
“He said that even in the time of [Jovito] Salonga, he protected (Juan Ponce) Enrile),” saad ni Remulla sa press briefing noong Lunes,Hunyo 1, sa Camp Crame, Quezon City.
Dagdag pa niya, “I told him that Sir, I’m sorry. You lost that privilege when Bato escaped.”
Sa kasalukuyan, nakapiit na si Sen. Estrada sa New Quezon City Jail Male sa Payatas, Quezon City matapos ang boluntaryo niyang pagsuko noong Lunes, Hunyo 1.
Kaugnay na Balita: SP Cayetano hinamon, kinalampag ang minority bloc: 'Will you stand for the Senate’s independence?'