Uulanin ang malaking bahagi ng Luzon ngayong Sabado, Enero 28, dahil sa northeast monsoon o “amihan”, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakabagong tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng umaga, magkakaroon ng maulap na may kasamang pag-ulan ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Magiging maulap at makararanas ng panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms naman ang mga lugar sa Bicol Region, Northern Samar, and Palawan dahil sa shear line.
Ayon pa sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman at malakas na pag-ulang mararanasan dito.
Samantala, magiging maulap na may katamtamang pag-ulan naman sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa amihan.
Magkakaroon ng maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms din sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.