Isang lalaking umano’y asset ng pulis ang patay nang pagbabarilin ng lalaking kinatagpo niya sa tahanan ng isang kaibigan sa Port Area, Manila nitong Martes ng hapon.

Dead on the spot ang biktimang si Joel Graciano, 26, tricycle driver at walang permanenteng tirahan dahil sa tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nakatakas naman ang suspek na nakilala lang na si alyas ‘Blondie,’ bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Lumilitaw sa isinagawang imbestigasyon ni PSSg Arvy Macarasig, may hawak ng kaso at nakatalaga sa Homicide Section ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa bahay ng kaibigan ng biktima, sa 418 Block 15A Baseco Community sa Baseco Compound sa Port Area.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Nauna rito, dumating umano ang biktima sa bahay ng kaibigan nito, na isang saksi sa krimen, dakong alas-3:00 ng hapon at sinabing may hihintayin lamang siya.

Matapos naman ang may isang oras ay dumating na ang suspek at kinausap ang biktima.

Makalipas ang ilang minuto ay narinig na lang umano ng kaibigan ng biktima na sumisigaw ang suspek at sinasabing "T*ng in* ka Joel, asset ka ng pulis!", kasunod ng mga putok ng baril.

Dahil sa takot na madamay ay nagtago umano ang kaibigan at nang makitang umalis na si Blondie ay pinuntahan niya ang biktima na duguan at patay na.

Tinutugis na ng mga otoridad ang suspek upang panagutin sa krimen.