Patay ang isang 14-anyos na skater matapos mabangga ng isang modern jeep sa gilid ng kalsada sa Cebu City.
Ayon sa imbestigasyon, naglalakad umano ang biktima malapit sa sidewalk kasama ang kaniyang mga kaibigan nang bigla siyang mabangga ng paparating na modern jeep.
Batay sa ulat, mabilis umano ang takbo ng sasakyan nang mangyari ang aksidente. Makikita rin sa CCTV na napalingon pa ang biktima bago siya tuluyang mabangga.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa tinamong pinsala.
Ayon pa sa mga imbestigador, aminado raw ang driver ng nasabing modern jeep na nakaidlip siya bago ang insidente at hindi na niya napansin ang biktima sa kalsada.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang drayber at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Isinailalim din siya sa alcohol testing alinsunod sa umiiral na batas.
Samantala, nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima at hiniling na mapanagot ang drayber sa sinapit ng kanilang anak.