LOBO, Batangas -- Patay ang isang 43-anyos na heavy equipment operator matapos siyang magulungan ng payloader habang hinahatak ang isang dump truck na nabahura sa putik noong Huwebes ng hapon, Enero 5 sa Barangay Sawang sa bayang ito.

Sa ulat ng Lobo Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Noel Lopez, residente ng Barangay Laiya sa bayan ng San Juan.

Ayon sa ulat, nag-o-operate ng payloader ang biktima at sasagipin sana ang kaniyang katrabaho na nagmamaneho ng dump truck na noong mga oras na iyon ang dump truck ay nabahura sa putikan sa nasabing lugar.

Kailangang hilahin ni Lopez ang dump truck sa pamamagitan ng kaniyang payloader, ngunit pagdating sa matarik na bahagi at dahil madulas ang kalsada, hindi na kinaya ng payloader sa makaahon nasabing bahagi ng kalsada.

Probinsya

Higit 1 buwang nawawala: Mangingisda mula sa Quezon, inanod sa Batanes!

Sa halip, dumausdos pababa ang payloader hanggang sa matumba at pagkatapos ay gumulong, kung kaya ang biktima ay tumalon sa kaniyang sasakyan ngunit sa kasamaang palad ay nagulungan ito, sabi sa ulat ng pulisya.

Dinala ang biktima sa Lobo Municipal Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.