Mariing nagpahayag ng suporta si Sen. Robin Padilla para kay Sen. Ronald "Bato" dela Rosa kasunod ng mga ulat na umano’y naglabas na ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Sa panayam sa DWIZ nitong Sabado, Mayo 9, sinabi ni Padilla na hindi niya kayang isuko si dela Rosa hangga’t dayuhan umano ang naghahanap dito, kaya ang payo niya sa kapartido, huwag siyang lilitaw o magpapakita.
Matatandaang simula nang pumutok ang bali-balitang may warrant of arrest na laban sa kaniya noong Nobyembre 2025, hindi na nakita ang senador na pumasok sa sesyon ng Senado.
“Kung ang humahanap kay Bato ay Philippine law, ako pa ang magsu-surrender, pero hangga't dayuhan, hindi kaya ng puso ko… Kapag ibinigay ko si Bato, nagtaksil na ako kay Andres Bonifacio,” pahayag ng senador.
Dagdag pa niya, “Never—wag tayo magsusuko sa dayuhan. Never.”
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya para kay dela Rosa, sinabi ni Padilla na handa siyang tumugon anumang oras na kailanganin siya ng kapwa senador.
“Ako naman ay 'pag pinatawag mo ay dadating,” ani Padilla.
Ibinunyag din niya na kamakailan lamang ay nagkita sila ni dela Rosa at iginiit niyang hindi naman ito isang wanted person.
Samantala, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na wala pa silang natatanggap na warrant of arrest mula sa ICC kaya nananatiling "hearsay" lang ito.
Sa inilabas na dokumento ng Office of the Prosecutor ng ICC noong Pebrero 13, 2026, direkta nilang binanggit ang pangalan ni Dela Rosa, kapuwa niyang senador na si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pa bilang co-perpetrators umano ni FPRRD sa madugong giyera kontra droga.
Ayon sa nasabing dokumento, nagkasundo umano sina Duterte, Dela Rosa, Go, at iba pang mga co-perpetrator niya sa isang “Common Plan” na “ma-neutralize” o itiklop ang umano’y mga kriminal sa Pilipinas.
Maki-Balita: ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!