Dumagsa ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao para sa isinagawang “Inday Sara Duterte 2028 Movement” rally nitong Sabado, Mayo 9, sa Rizal Park sa San Pedro Street, Davao City.
Kabilang sa mga dumalo ang mga tagasuporta mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, bilang pagpapakita umano ng patuloy na suporta sa political movement ng bise presidente.
Ayon sa mga organizer, boluntaryo at self-reliant, ang naturang pagtitipon na may temang “Panaghiusa Para Kay Inday Sara” o “Unity for Inday Sara" ay may layunin daw na pag-isahin ang iba’t ibang grupo mula sa Mindanao at iba pang panig ng bansa bago ang inaasahang pagsisimula ng programa bandang 1:00 ng hapon.
Sinabi naman ng grupong Mindanao Youth na libo-libong kalahok ang inaasahang dadalo sa grassroots-driven gathering, kabilang ang ilang lokal na opisyal mula sa BARMM at mga miyembro ng political network ni Duterte.
Itinuturing ng mga organizer ang aktibidad bilang pagpapakita ng malawak na suporta at patuloy na mobilisasyon ng mga tagasuporta ni Duterte sa gitna ng usaping pampulitika sa bansa.
Matatandaang nauna nang mag-anunsyo si VP Sara na tatakbo siyang Pangulo sa darating na 2028 national elections.