“Bakit parang lagi na lang ako?”
Sa kulturang Pinoy, ang pamilya ay nagsisilbing pundasyon ng pagkakakilanlan at mga relasyon dahil dito unang natututunan ang pakikisama, pagrespeto, katatagan ng kalooban, at pagdadala ng anumang responsibilidad.
Ang malalim na koneksyon at suportang ibinibigay sa pamilya ay kadalasang hindi limitado sa mga kapatid, nanay, at tatay, dahil kung minsan, naibabahagi rin ito sa iba pang mas malalayong kaanak tulad ng lolo at lola, mga tiyuhin at tiyahin, at mga pinsan.
Sa unang tingin, mabuti ang intensyon ng malapit na relasyon sa loob ng pamilya, dahil ito rin ay nakaukit na sa kulturang kinalakhan ng maraming Pinoy.
Gayunman, para sa ilan, hindi maiiwasan na magdulot ito ng problema at alitan dahil sa iba’t ibang isyu tulad ng panghihimasok sa mga personal na desisyon o kaya’y pagpapasa ng mga obligasyon at responsibilidad sa isang kaanak, na nagdudulot ng pressure.
Dito na pumapasok ang pagiging “breadwinner,” na terminong tumutukoy sa isang kaanak na responsable sa pagpapasok ng kita sa loob ng pamilya, sa pamamagitan ng pagtatrabaho.
Kadalasang nagmumula sa pagsasabay-sabay ng iba’t ibang trabaho o pagtatrabaho habang hindi pa natatapos sa pag-aaral, ang kita ng breadwinner ay ginagamit upang ipangtustos sa pangkain ng pamilya, pang-aral ng mga kapatid, o kaya’y pambili ng gamot ng mga magulang.
Dahil dito, humaharap sa iba’t ibang problema ang maraming breadwinners.
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, unang-una na rito ang pressure upang matugunan ang pangangailangang pinansyal ng buong pamilya, na nagdudulot ng emosyonal at mental stress dahil sa pag-aaalala sa mga bayarin at ipon.
Isa pa ay tila pagkalimot sa self-care o pag-aalaga sa sarili dahil sa kawalan ng boundaries mula sa mga hinaing ng ilang kaanak, kalauna’y nauuwi sa burnout o pakiramdam ng pagka-ubos mula sa pagsasakripisyo.
Kaya sa ilang social media posts ng ilang netizens na tumatayo bilang breadwinner, hindi naiiwasan ang tanong na, “ako na lang ba palagi?”
Dahil sa ilang taong pagsasakripisyo para sa pamilya, tila nakakalimutan na nila ang sariling pangangailangan o kagustuhan tulad ng pagkakaroon ng relasyon sa ibang tao, kawalan ng personal na ipon, o kaya’y kawalan ng oras ipagpatuloy ang sariling pag-aaral.
Habang walang “one-size-fits-all”’ na payo upang malagpasan ang hirap na dinaranas ng breadwinners, binabanggit sa iba’t ibang pag-aaral ang mga sumusunod upang maibsan ang stress na dala ng sitwasyon:
1. Huwag matakot na tumanggi sa ilang kahilingan at magkaroon ng boundaries para sa ikaaayos ng personal na buhay.
2. Matutong bigyan ng prayoridad ang sariling kalusugan.
3. Huwag mahiyang humingi ng tulong at iwasang kuhanin lahat ng responsibilidad.
4. Hangga’t maaari, maayos na makipag-usap sa mga kaanak upang maayos na maibigay ang ilang responsibilidad at mabawasan ang pasan na gawain.
5. Magtungo sa isang mental health professional o kaya’y magkaroon ng support system tulad ng mga kalapit na kaibigan upang mapagsabihan ng mga dinaramdam.