May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Negosyanteng nagtatag ng Red Cross at tumulong sa lahat ng sugatan!

KILALANIN: Negosyanteng nagtatag ng Red Cross at tumulong sa lahat ng sugatan!
Photo courtesy: The Nobel Prize, MB FILE PHOTO

Madalas na nakikita ng publiko ang grupo ng mga volunteer na may suot na pulang damit at may tatak na pulang krus sa mahahalagang kaganapan o sakunang hindi inaasahan ng marami. 

Halimbawa sa biglang mga paglindol, pagbaha, malakas na pananalasa ng bagyo, sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno, sa malawakang mga rally, o anomang maramihang pagtitipon ng mga taong hindi maiiwasan ang dahas o posibilidad na baka may masaktan. 

Naroon sila, ang kanilang mga tent, ang pito, mga stretcher, first aid kit, at iba pa upang tumulong sa mga sugatan, nasugatan, at nakamasid sa mga masusugatan. Sila ang Red Cross. 

Mahalagang tandaan na hindi lamang sa Pilipinas mayroong Red Cross. Ito ang pinakamalaking humanitarian organization sa mundo kung saan layunin ng mga miyembro nito na protektahan ang buhay at kalusugan ng bawat indibidwal. 

Tuwing Mayo 8, taon-taon, ipinagdiriwang ang World Red Cross and Crescent Day. Ngayong 2026, nakatuon sa temang “United in Humanity” ang paggunita sa naturang selebrasyong ito. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Sinimulan itong ipagdiwang noong Mayo 8, 1948, bilang paggunita sa kaarawan ng “founder” o nagtatag International Committee of the Red Cross (ICRC). Ngunit opisyal itong napangalanan bilang “World Red Cross and Red Crescent Day” noong 1984. 

Ang tanong: Sino nga ba ang lalaking nasa likod ng pagdiriwang ng World Red Cross and Red Crescent Day at tumulong sa maraming sugatan noon labanan anoman ang kanilang panig na kinabibilangan?

Kilalanin si Jean Henry Dunant. 

Ayon sa tala sa website ng The Nobel Prize, isinilang si Dunant noong Mayo 8, 1828 sa Geneva Switzerland. 

Noong 1859 at kasagsagan noon ng labanan sa Solferino sa Northern Italy, nasaksihan daw mismo ng negosyante na noong si Dunant ang libo-libong mga sundalong Italian, French, at Austrian na kinikitil ang buhay ng isa’t isa. 

“In 1859, a battle was raging at the town of Solferino in Northern Italy. There the Swiss businessman Henry Dunant saw thousands of Italian, French and Austrian soldiers killing and maiming each other,” base sa tala ng Nobel Prize. 

Sa pamamagitan daw ng sariling inisyatiba ni Dunant, inorganisa niya ang grupong tumutulong sa mga sugatan. 

Kalaunan ay nasulat daw ni Dunant ang librong may titulong “A Memory of Solferino” na naglalaman ng planong dapat na bumuo ng samahan ang bawat bansa sa mundo para tulungan ang mga may sakit at sugatang sundalo sanhi ng digmaan, nang hindi tumitingin kung saang panig nabibilang ang mga ito. 

“On his own initiative, he organized aid work. Later he wrote the book A Memory of Solferino, which contained a plan: all countries should form associations to help the sick and wounded on the battlefield - whichever side they belonged to,” anila. 

Dahil sa inisyatibang ito ni Dunant, nabuo noong 1863 ang International Committee of the Red Cross (ICRC) at kalaunan naman adaptasyon sa Geneva Conventions kung saan sumesentro ito sa international humanitarian law at paglalagay ng limitasyon sa digmaan. 

Pinagtanggol ng ICRC ang mga sektor ng mamamayan hindi naman nakikiisa sa digmaan. Halimbawa ng mga sibilyan, medics, aid workers, at pati na rin ang mga sundalong wala nang kakayahang lumaban, mga sugatan, at mga bilanggo ng digmaan (prisoners of war). 

“The result was the establishment of the International Committee of the Red Cross in 1863, and the adoption of the Geneva Convention in the following year. It laid down that all wounded soldiers in a land war should be treated as friends. Medical personnel would be protected by the red cross in a white field,” anila. 

Sa kabila ng alalahaning maaaring maghirap ang negosyanteng si Dunant dahil sa itinayo niyang ICRC, naging mas lumaki pa ang organisasyong kaniyang binuo at mas nanaig ang ideya ng layunin nilang tumulong para sa lahat ng sugatan. 

Dahil dito, iginawad kay Dunant ang gantimpalang Nobel Peace Prize noong 1901 dahil umano sa kaniyang humanitarian effort na tulungan ang mga sugatang sundalo noong panahon ng World War I at paglikha niya pandaigdigang pagkakaunawaan sa pagtulong sa lahat. 

Sa kasalukuyan, matatag pa rin ang organisasyon ng Red Cross at makikita ang patunay nito sa mga bumubuo at tumatayong volunteer ng Philippine Red Cross. 

Pilit at pilit makikita ng publiko ang mga kawani ng organisasyong ito sa tabi-tabi ng mga kaganapan upang tumulong at magbigay-lunas sa mga taong masasaktan.