Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. para sa pagdiriwang ng Mother’s Day sa pamamagitan ng isang mensahe na ibinahagi sa kaniyang social media page, para sa tatlong babaeng espesyal sa buhay niya.
Sa naturang post, binigyang-pugay ng Pangulo ang mga ina dahil sa kanilang pagmamahal, sakripisyo, at mahalagang papel sa bawat pamilyang Pilipino. Kabilang sa mga tampok sa kaniyang ibinahaging larawan ang inang si dating First Lady Imelda Marcos, asawang si First Lady Liza Marcos, at kapatid niyang si Irene Marcos.
Kapansin-pansin naman sa ilang netizens na hindi kasama sa post ang isa pa niyang kapatid, ang ateng si Sen. Imee Marcos.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng Pangulo:
“Sa bawat ina, may pagmamahal at sakripisyong hindi kayang tumbasan ng anumang salita."
“Kayo ang ilaw ng tahanan at haligi ng bawat pamilyang Pilipino. Sa inyong pag-aaruga, pagtitiis, at walang kapantay na pagmamahal, mas tumatatag ang ating tahanan, komunidad, at bayan."
“Ngayong Mother’s Day, taos-puso akong nagpupugay at nagpapasalamat sa lahat ng ina. Maraming salamat sa pagmamahal na araw-araw ninyong iniaalay para sa inyong pamilya at para sa ating bansa.”
Umani ng iba’t ibang reaksiyon online ang naturang post, lalo na matapos mapansin ng ilang netizens ang hindi pagkakasama ni Sen. Imee Marcos sa ipinakitang family greeting ng Pangulo.
Matatandaang kamakailan lamang, magkahiwalay na inamin ng dalawa na hindi na sila nagkikita at nag-uusap pa, matapos ang pagpanig ni Sen. Imee sa mga Duterte, matapos ang "pagkakawatak-watak" ng UniTeam.
Matatandaang sa peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Nobyembre 2025, ipinagsigawan ni Sen. Imee na gumagamit ng droga ang kaniyang nakababatang kapatid, bagay na pinabulaanan at kinondena naman ng Palasyo.