May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Gamutang Ina: Mga kilalang ‘homemade remedies’ ng mga nanay sa sakit

Gamutang Ina: Mga kilalang ‘homemade remedies’ ng mga nanay sa sakit
Photo courtesy: Unsplash

Kapag ako namatay, kawawa talaga kayo!

Ito ang isa sa maraming linyahan ng mga nanay sa Pilipinas dahil sa kanilang pagiging “superwoman” sa mga tahanan. 

Mula sa walang humpay na paghahanap-buhay hanggang sa pag-aasikaso sa mga dinaramdam ng mga anak, tila isang “universal experience” ang pagkakaroon nila ng remedyo sa halos lahat ng sakit. 

Masakit ang ulo? “Kaka-kompyuter mo ‘yan!” 

Humihilab ang tiyan? “Lagi ka kasing nakatutok sa selpon mo!” 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Dahil sa kakaibang “healing hands” na mayroon sila, narito ang ilan sa homemade remedies na ibinibigay ng maraming nanay sa mga anak nila tuwing may sakit ang mga ito: 

Mentholated Ointment

Ito ang itinuturing na “one-size-fits-all” na panggamot ng mga nanay sa halos lahat ng sakit, na kadalasan, malaking tulong sa pagpapagaling. 

Madalas itong ipinapahid sa humihilab na tiyan, pumipintig na ulo, baradong ilong, o kaya’y masakit na kalamnan. 

Ilan sa “proven and tested” na mentholated ointment ng mga nanay ay ang Vicks VapoRub, Efficascent Oil, White Flower, Katinko, at Tiger Balm. 

Calamansi Juice

Isa sa mga pinakamadaling panggamot ng maraming nanay sa ubo, sipon, o lagnat ng kanilang mga anak ay ang calamansi juice, dahil bukod sa mura, madalas, may mga calamansi na nakaimbak na sa gilid ng refrigerator. 

Dahil sa pagiging mayaman sa Vitamin C, ang calamansi juice ay ipinipiga sa baso na mayroong mainit na tubig, at kung may extra budget, hinahaluan pa ito ng honey. 

Salabat

Isa pa sa mga kilalang remedyo ng mga nanay sa ubo, pangangati ng lalamunan, at sipon ay ang Salabat o Ginger Tea, dahil sa taglay nitong antioxidant at anti-inflammatory properties. 

Minsan, ipinapainom din ito sa mga anak na nakararamdam ng pagsakit ng tiyan. 

Mainit na sabaw

Maasim man na sinigang, tinolang manok na may kaunting anghang o kaya’y malasang nilagang baboy o baka, ang mainit na sabaw ay ipinapahigop ng maraming nanay sa mga anak nila tuwing may lagnat, sipon, ubo, o kaya’y masakit ang tiyan ng mga ito. 

Dahil anila, walang magtatagal na sakit sa busog na kalamnan. 

Akapulco

Isa pang nagsisilbing pamahid sa balat, ang Akapulko ay kadalasang ginagamit ng maraming nanay para sa kagat ng insekto, ringworm, eczema, at iba pang impeksyon sa balat.

Suob

Itinuturing na “instant remedy,” ang suob o steaming ay ipinagagawa naman ng maraming nanay upang lumuwag ang baradong ilong ng kanilang mga anak dahil sa tuyong sipon. 

Bukod dito, “proven and tested” din ito ng maraming nanay upang gumaling ang mga anak nila mula sa pagkakahawa sa ilang sakit at pagtataboy ng masasamang espiritu sa bahay. 

Hilot

Sa hilot o massage pinaka naipapamalas ng maraming nanay ang kanilang “healing hands” dahil bagama’t masakit at kadalasang nagdudulot ng pasa o pagkakiliti, ito ay epektibong paraan upang maagapan ang pilay at mga sakit sa katawan na umano’y dulot nito. 

Minsan pa nga’y sinasamahan ito ng tawas o paglalagay ng laway upang mawala ang “usog” o masamang bati.