Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Biyernes, Mayo 8, na nakapagtala ang bulkang Mayon ng aabot sa 30 volcanic earthquakes kasunod ang mataas na aktibidad nito.
Batay sa PHIVOLCS, naganap din sa bulkan ang 15 volcanic tremors, 290 rockfall events, at tatlong pyroclastic density current signals o uson—base sa isinagawang pagmamanman sa Mayon mula 12:00 ng hatinggabi noong Huwebes, Mayo 7 hanggang 12:00 ng hatinggabi nitong Biyernes, Mayo 8.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang naturang bulkan.
Ayon sa ahensya, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa anim na kilometrong radius Permanent Danger Zone—pati na rin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng Mayon.
Nagpaalala rin sila sa publiko sa posibleng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar.