Posiblenghumagupit sa Northern Luzon ang bagyong 'Paeng' sa mga susunod na araw, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Bukod dito, malaki rin ang posibilidad na maglabas ng babala ng bagyo sa ilang bahagi ng Eastern Visayas at Bicol Region simula sa Huwebes, Oktubre 27.
Sa abiso ng PAGASA, nag-iipon pa ng lakas ang bagyo habang nasa Philippine Sea.“Per latest track and intensity forecast, the most likely highest wind signal that will be hoisted is Wind Signal No. 4,” sabi ng ahensya.
Huling namataan ang bagyo 965 kilometro silangan ng Eastern Visayas, dala ang hanging 45 kilometers per hour (kph) at bugso nito na 55 kph habang kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran.
Babala ng PAGASA, makararanas ng matinding pag-ulan sa Bicol Region simula Biyernes ng umaga hanggang Sabado ng umaga.
Inaasahan naman ang "moderate to heavy" na pag-ulan sa Eastern Visayas, Mindoro provinces, Marinduque, Romblon, Quezon, Aurora, Isabela, and Cagayan.
Iiral naman ang "light to moderate" na pag-ulan sa Rizal, Laguna, Nueva Ecija, Bulacan, Cordillera Administrative Region, at sa natitirang bahagi ng Visayas at Cagayan Valley.
“These conditions may be risky for those using small seacrafts. Mariners are advised to take precautionary measures when venturing out to sea and, if possible, avoid navigating in these conditions,” babala ng PAGASA.
Sa pagtaya ng PAGASA, kikilos ang bagyo pa-kanluran hanggang Huwebes ng hapon at tatahak naman ito pa-kanluran hilagang kanluran hanggang Sabado ng umaga.
Kikilos din ang bagyo pa-hilagang kanluran sa Sabado ng hapon o kinagabihan at dadaan ito sa Northern Luzon sa Linggo o Lunes.