Dalawa umanong 'middleman' ang sinasabing sangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Para sa kaalaman po ng lahat, matatandaan niyo po, anim po 'yung sinabi ng ating gunman na nagtrabaho. Dalawa po ang ating middlemen na kumontak sa kanila. 'Yung isa nga po ay nandito sa BJMP,” ayon sa pahayag ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Kirby Kraft sa isang pulong balitaan sa Camp Crame nitong Huwebes.

Si Kraft ay pinuno ngSpecial Investigation Task Group na nag-iimbestiga sa kaso ni Mabasa.

Nauna nang tinukoy ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang namatay na isa sa 'middleman' na si Crisanto Villamor, Jr.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Si Villamor ay naiulat na binawian ng buhay habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa nitong Martes, Oktubre 18 ng hapon.

Iniimbestigahan pa ang dahilan ng pagkamatay ni Villamor.

Isinapubliko rin ng pulisya ang litrato ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na itinuturo ang umano'y larawan ni Villamor at kumilala sa kanya bilang middleman na nag-utos sa kanilang grupo na paslangin si Mabasa.

Matatandaang iniharap sa mga mamamahayag si Escorial sa isang pulong balitaan nitong Martes, Oktubre 18, at sinabing nanggaling sa isang middleman sa loob ng NBP ang utos sa kanila na patayin si Mabasa.

Nitong Huwebes, sinabi naman ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia na nakakulong pa sa jail facility sa Metro Manila ang middleman na nahaharap sa drug-related case.

"Kumpleto po kami ng isinagawang pag-iimbestiga. May mga ginawa po kaming request para malaman namin kung ito po talaga ay nakakulong sa Bilibid. 'Wag po tayong magmadali kasi meron po tayong proseso ng imbestigasyon. 'Wag tayong humingi ng details muna,” sabi pa ni Kraft.

Kaugnay nito, nanghihinayang naman sa Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa pagkamatay ng umano'y middleman na si Villamor.

“Merong autopsy na ginagawa ngayon at malaman muna namin ang autopsy (result). Dahil once talagang merong foul play dito, talagang galit kami. Galit na galit kami. We are demanding, kung mangyari man yun, ang mananagot ay dapat managot,” sabi pa ni Abalos.