Humingi na ng paumanhin si Metro Manila Police chief, Brig. Gen Jonnel Estomo kaugnay ng hindi inaasahang pagbisita ng isang pulis sa bahay ni GMA reporter JP Soriano sa Marikina nitong Sabado na ikinaalarma ng nasabing mamamahayag.

Sa kanyang pahayag, binanggit ni Estomo na ginawa nila ito upang i-check kung may banta sa buhay ni Soriano at sa pamilya nito kasunod na rin ng pamamaslang kay hard-hitting broadcaster Percy Lapid kamakailan.

"In as much as the NCRPO is concerned about the safety and welfare of our mediamen, we confirm that it was our gesture to know if there are threats on their lives and of their families in order to assess the security assistance that we have to accord to them," pagdidiin ni Estomo.

Aniya, iniutos na nito sa mga pulis na ihinto na ang pagbisita sa bahay ng mga mamamahayag dahil "nagdudulot lang ito ng pangamba at pagkaalarma." 

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

"Though we have a good intention to this endeavor, I personally apologize to all our media friends and investigation is already on place pertaining to this incident," aniya.

Nitong Oktubre 15, ipinost ni Soriano sa kanyang social media account na isang lalaki ang nagtungo sa kanyang bahay at nagpakilalang pulis.

Inatasan aniya ang nasabing pulis upang alamin kung may banta sa kanilang pamilya.

"Isang nagpakilalang pulis ang nagpunta sa aking private residence ngayon, nagpakita ng I.D. pero hindi naka-uniform, Hinanap ako at maayos namang nagpakilala at sinabing inutusan daw sila ng #PNP para 'kamustahin' ang mga journalists at kung may 'threat' ba sa amin?" banggit ni Soriano sa kanyang Twitter account post.

"He was just following orders I’m sure kaya please do not suspend/reprimand him. Ang issue ko [here] is paano at saan nila nakuha ang home address namin?" reklamo pa ni Soriano.

Nauna nang pinalagan ng ilang grupo ng mga mamamahayag ang insidente at sinabing dapat nakipag-coordinate muna ang pulisya upang hindi lumikha ng pangamba sa hanay ng mga mamamahayag.