July 27, 2026

Home BALITA

Akbayan sa pamamahala ni PBBM: 'Sachet governance,' patingi-tinging responde

Akbayan sa pamamahala ni PBBM: 'Sachet governance,' patingi-tinging responde
Photo courtesy: Akbayan Partylist/FB


Inilarawan ng grupong Akbayan ang pamamahala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang “sachet governance,” dahil umano sa tingi-tingi nitong pagresponde sa mga malalaking problema ng sambayanang Pilipino.

Sa pahayag na inilabas ng Akbayan, kasunod ang nakatakdang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM ngayong Lunes, Hulyo 27, idiniin ng grupo ang anila’y maliliit na hakbang ng Pangulo hinggil sa mga pagsubok na kinahaharap ng bansa.

“Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., malinaw ang larawan ng kanyang pamamahala: ‘sachet governance.’ Patingi-tinging responde sa malalaking problema ng mga tao,” saad ng Akbayan.

Anila, “Patingi-tingi ang tugon sa malalalim at malulubhang problema ng bansa. Instead of pursuing bold and comprehensive reforms, this administration continues to dispense small, fragmented, and inadequate solutions to crises that demand decisive action.”

“Nanawagan ang taumbayan na panagutin ang lahat ng korap, ngunit iilan pa lamang ang tunay na napanagot. The pursuit of accountability remains incomplete, while the broader culture of impunity persists,” dagdag pa nila.

Akbayan sa pahayag ni PBBM na tanggalin systems loss: 'Hindi kusang-loob na biyaya ng pamahalaan!'



Sinita rin ng grupo ang taas-sahod na ikinasa ng pamahalaan para sa mga manggagawa sa Metro Manila—kung saan ipinaliwanag nilang ₱200 ang hinihiling na legislated national wage hike, pero ang ibinigay ay ₱80 na nahahati pa sa dalawang bahagi; at para lamang sa mga nasa National Capital Region (NCR).

Kasabay na rin sa kanilang ikinalampag ay ang ang anila’y tunay na Anti-Political Dynasty Law.

“Humiling ang mga manggagawa ng ₱200 legislated national wage hike. Ang ibinigay: ₱80 lamang, sa NCR lang, at hinati pa sa dalawang installments. At a time when soaring prices continue to erode workers’ incomes, the government has responded with a wage increase that is too little, too late, and too limited,” anang grupo.

“Nanawagan tayo ng isang tunay na Anti-Political Dynasty Law. Ang ipinasa ng Kongreso? Isang batas na halos walang ngipin. Instead of dismantling political monopolies, the administration settled for a watered-down measure that fails to confront the problem of entrenched dynasties,” kalampag pa nila.

“One year after the President declared, ‘Mahiya naman kayo,’ what should truly be shameful is an administration that continues to offer half-measures when the Filipino people deserve genuine, structural change. Hindi ‘sachet governance’ ang kailangan ng Pilipinas. Ang kailangan ng bansa ay isang pamahalaang may tapang na magpatupad ng malalaking reporma, tiyakin ang buong pananagutan, at maghatid ng tunay na pagbabago,” pagtatapos ng Akbayan.