Pinag-iisipan na ng kampo ng nakakulong na si dating Senador Leila de Lima na magharap ng mosyon sa korte upang maka-uwi muna sa kanila dahil umano sa pangamba kanyang buhay kasunod ng pangho-hostage sa kanya sa loob ng kulungan nito sa Camp Crame nitong Oktubre 9 ng umaga.
Aminado ang legal counsel ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon na unang beses pa lang nila itong gagawin.
Nitong nakaraang buwan aniya, lumantad ang panawagang ilipat ng kustodiya si De Lima matapos harangin ng pulisya si United States Senator Edward Markey na bibisita lang sana kanya sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
"We all know that when Senator Markey tried to first visit Senator Leila de Lima, his team was prevented by PNP, and when Senator Leila tried to raise it with the custodial center officers, that was the time that the offer was made,” sabi ni Tacardon sa isang panayam kung saan binanggit ang alok na mailipat ng kustodiya si De Lima.
“And actually, the offer was made this way, according to Senator Leila: ‘Kung hindi na po kayo masaya sa amin, puwede naman kayong lumipat. It was not really a formal offer to transfer…it was more of a reaction on the part of PNP when Senator Leila actually protested the first time that Senator Markey was prevented," sabi ni Tacardon.
Kaugnay nito, inihayag namang ng tagapagsalita ni De Lima na si Atty. Dino de Leon na posibleng ang senador ang puntirya ng tatlong detainee na pawang miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Naiulat na sinaksak ng tatlong detainee ang isang pulis na nagrarasyon ng pagkain sa loob ng detention facility bago i-hostage ng isa sa mga ito si De Lima nitong Linggo ng umaga.
Ang mga nasabing suspek ay napatay matapos mabaril ng mga pulis habang tumatakas.