August 08, 2026

Home BALITA

First phase sa site development ng Pax Silica, aabutin ng 3 hanggang 5 taon!

First phase sa site development ng Pax Silica, aabutin ng 3 hanggang 5 taon!
Photo courtesy: Screengrab RTVM

Maaaring simulan sa loob ng tatlo hanggang limang taon ang site development ng planong artificial intelligence (AI) hub na Pax Silica sa Central Luzon, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Ang unang yugto ng proyekto ay tinatayang 500 ektarya mula sa kabuuang 1,620 ektaryang lupain na inilaan para sa naturang inisyatiba.

“We see this as a long-term [investment]. The first phase will be around 500 hectares. We see that in three to five years,” ani BCDA President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang sa isang briefing sa New Clark City, Tarlac noong Biyernes, Agosto 7.

Inaasahang magiging ganap ang operasyon ng proyekto sa loob ng 30 taon at inaasahang makatutulong ito upang mapalago ang exports ng bansa sa tinatayang $200 bilyon.

Noong 2025, umabot sa record-high na $84.48 bilyon ang merchandise exports ng Pilipinas, na malaking bahagi ay mula sa semiconductor industry.

Public school na pinutakti dahil sa AI poster contest, nagsalita na!

Layunin ng Pax Silica na makatulong na gawing AI hub ang Pilipinas sa pamamagitan ng pag-akit ng mas maraming semiconductor companies at mga kumpanyang nagbibigay ng produkto at serbisyo para sa AI-related requirements.

Nilinaw din ni Bingcang ang mga naunang ulat na nagsabing magiging energy-intensive project ang Pax Silica dahil sa posibleng pagtatayo ng mga data center.

Ayon kay Bingcang, kung magkakaroon man ng data centers sa lugar, ang mga ito ay magsisilbi lamang sa mga semiconductor companies na magtatayo ng operasyon sa site at hindi magiging hyperscalers o malalaking data center na nagsisilbi sa mga global clients.

“We will not put up data centers here. It will be for something which the New Clark City is really built for — predominantly, it will be for industrial use,” ani Bingcang.

Dagdag niya, idinisenyo ang master plan ng New Clark City upang paglagyan ng iba't ibang industriya. Kung magkakaroon ng malalaking data center, hindi umano kabilang ang mga ito sa Pax Silica initiative at itatayo sa labas ng project site.

Samantala, sinabi ni Trade Undersecretary at Board of Investments managing head Ceferino Rodolfo na sumali ang Pilipinas sa coalition na binubuo na ngayon ng nasa 23 bansa upang palakasin ang value proposition ng mineral at semiconductor industries ng bansa.

Ayon kay Rodolfo, magkakaiba man ang dahilan ng bawat bansang kalahok sa pagsali sa inisyatiba, nagkakaisa ang mga ito sa layuning tugunan ang tumataas na pangangailangan para sa AI at mga kaugnay nitong industriya.

“For the Philippines’ case, we are here because we would like to add value to the activities that we currently have in the Philippines. For example, for the minerals that we are able to export, we would like to add more value to the minerals that we are exporting largely in unprocessed form. For our semiconductor industry, we would like to move up the value chain,” ani Rodolfo sa hiwalay na pahayag sa media.