Patay ang isang 59-anyos na barangay tanod matapos umanong aksidenteng pumutok ang hawak nitong .45-caliber pistol habang nakikipag-inuman sa kaniyang pamangkin sa Barangay Libertad, Dimataling, Zamboanga del Sur.
Nangyari ang insidente dakong 8:20 ng gabi sa Purok 4 ng nasabing barangay at naiulat sa Dinas Municipal Police Station bandang 10:35 ng gabi.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, umiinom umano ang biktima kasama ang kaniyang pamangkin nang mangyari ang insidente.
Ayon sa mga saksi, nagpaputok umano muna ng baril sa ere ang biktima bago inilagay ang .45-caliber pistol sa harapang bahagi ng kaniyang baywang, malapit sa singit.
Sa hindi pa malinaw na dahilan, biglang pumutok umano ang baril habang hinahawakan, inaayos o inililipat ng posisyon ng biktima ang armas.
Tinamaan ng bala ang kaliwang paa ng biktima na nagresulta sa malubhang sugat.
Kaagad umano siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician sa isang klinika sa Dinas.
Narekober naman ng mga awtoridad sa lugar ang umano'y ginamit na baril.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang baril at mga bala bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang kumpletong pangyayari bago ang insidente, kabilang ang eksaktong paraan kung paano pumutok ang baril.
Sinusuri rin ang armas, mga nakuhang bala at basyo, pahayag ng mga saksi at iba pang ebidensiya.
Inaalam din ng mga awtoridad kung tunay na aksidente ang pagkakaputok ng baril at kung may iba pang paglabag sa batas o mga alituntunin sa kaligtasan na naganap kaugnay ng insidente.