Nasa anim na katutubong Dumagat ang naiulat na nasawi matapos tamaan ng diarrhea sa bahagi ng bulubunduking Barangay Lumutan sa General Nakar, Quezon kamakailan.
Kinumpirma ni Quezon Provincial Health officer, Dr. Kristine Villaseñor sa isang panayam sa telebisyon, na ang unang pasyente ay isinugod sa rural health unit ng Tanay, Rizal nitong Setyembre 26.
Gayunman, dead on arrival na ito dahil sa pagkaubos ng tubig sa katawan.
Nadagdagan pa aniya ng lima ang nasawi nitong Setyembre 29 at isinugod naman sa ospital ang mahigit sa 70 pasyente dulot ng walang tigil na pagdumi.
Kaagad aniyangtumugon ang kanilang grupo mula saProvincial Health Office, Gen. Nakar Rural Health Unit at Southern Luzon Command (SOLCOM) ng Philippine Army at nagdala sila ng inuming tubig at mga gamot sa lugar.
Nauna nang inihayag ng General Nakar government na ang insidente ay dulot ng pagdaloy ng mga dumi ng tao sa bukal na pinagkukunan ng maiinom na tubig matapos bayuhin ng Super Typhoon 'Karding' ang lugar nitong Setyembre 25.