Patay ang isang apat na taong gulang na batang babae nang masagasaan ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa Malate, Manila nitong Huwebes ng hapon.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Radzma Upao, 4, at residente ng 2142-22 M Adriatico St., Malate.

Samantala, arestado naman ang suspek na si Gil Cruzada, 63, dating overseas Filipino worker (OFW) at residente ng San Isidro, Parañaque City.

Batay sa ulat ni PSSg Allen Christian Camangon, may hawak ng kaso, at nakatalaga sa Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS), ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Adriatico St. kanto ng Quirino Avenue, sa Malate.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Minamaneho umano ng suspek ang kanyang Mitsubishi Montero Sport at binabaybay angAdriatico St. nang pagsapit sa kanto ng Quirino Avenue, ay bigla na lang nitong nabangga at nasagasaan ang biktima.

Pumailalim pa sa sasakyan ang biktima na kaagad na isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot pa ng buhay.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.