Pinanood umano ni GMA screenwriter Suzette Doctolero ang dalawang nagbabanggaang pelikula ngayon; ang "Maid in Malacañang" ni Direk Darryl Yap, at "Katips" ni Atty. Vince Tañada.
"Katatapos ko lang mapanood ng buo ang Maid in Malacañang… waiting now para sa Katips viewing," ani Doctolero sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Agosto 5.
"Tawang tawa ako sa 'madjong' scene hahaha. Yun pala yun. Manood kasi muna. Will give an honest full review."
Unang pinanood ni Doctolero, na kilala sa pagsulat ng mga teleseryeng pangkasaysayan gaya ng "Amaya" at "Indio", ang MiM ni Yap. Aniya, wala umano siyang "historical revisionism" na nakita rito, gaya ng akusasyon ng marami.
"Malinaw sa filmmaker kung sino ang audience niya at kung paano magkukuwento kung kaya’t nasakyan ng audience ang pain ng isang pamilyang dati ay matayog at hari, at bumagsak. Pinaiyak, pinatawa, kinurot ang puso ng audience. Wala kasing pretension ang pelikula. Malinaw na ito ay kuwento sa Point of View ng mga Marcos o pro-Marcos."
"Bilang manunulat, nakita ko ang yaman ng konsepto’t kuwento. Although hindi ito ang unang movie na tumalakay ng ganitong paksa, (nandiyan ang Evita Peron, ang Tsar (kwento ng mga Romanovs ng Russia) at ibp, pero matapang pa rin ang filmmaker na ginawa niya ito, kahit na alam niyang may mga pupuna. Deserve nito ang success sa takilya na tinamasa."
"Kontrobersyal at subject sa interpretsyon ang huling eksena, na ipinakita si Cory, lalo na ang binitiwan niyang salita sa dulo (bilang analogy sa pulitika, kapangyarihan, gamit ang sugal na madjong), pero ito ay totoo. At ang gandang statement sa pulitika ng bansa (maski sino pa ang lider)."
"May mga scenes lang na ikinuwento kaysa ipinakita pero naiintindihan kong mahal ang eksena (halimbawa, pagpapasabog sa isang parte sa Malacanang o pagpapakita ng pagsugod ng mga rebel forces para mas ramdam ko ang takot ng pamilya at mga maids) pero sa pangkalahatan ay okey naman ang pelikula."
"Walang historical distortion, wala ring paninira sa mga madre. Panoorin para makita."
Ngunit kaiba sa MiM, tila hindi tinapos ni Doctolero ang panonood sa pelikulang "Katips". May nasabi pa siyang "Ampanget." Sa isa pang Facebook post, nabanggit ng manunulat ang pelikulang "Dekada '70" na hango sa nobela ni Lualhati Bautista.
"Dekada 70 pa rin ni Lualhati Bautista ang kuwentong matapang na nagsalaysay sa pangyayari noong martial law na hindi confusing pagkat malinaw ang tema, characters at motivations, at adhikain ng nobela. Naikuwento ng Dekada 70 ang pangil at sakit ng aktibismo sa gitna ng pagmamalabis at sentro ang isang pamilyang pinoy, na ang mga anak ay mulat at naging biktima ng diktadurya."
"Ayokong i-review ng buo itong Katips at hindi ko na tinapos. One hour and 10 mins lang pinanood ko. Sorry, hindi ko na talaga kinaya kasi confused yata ang filmmaker kung ano ang gusto niyang ipakita dito sa movie kaya parang nagsalsal na hindi yata nilabasan. So di ko alam kung gumanda ba nung second half? O confused pa rin. Haha. Panoorin n'yo pa rin at kayo ang maghusga."
Sa isa pang Facebook post, ibinahagi ng manunulat ang isang review na naisulat patungkol sa Katips
"Katips review. Totoo, mas maraming ginawang distortion itong Katips kaysa doon sa isa. Daming huh?! moment dito. Pero panoorin ninyo pa rin ha para kayo ang maghusga," aniya. Isa pa sa ibinahagi niya ang Facebook post ng propesor at political analyst na si Antonio Contreras. Ibinahagi rin niya ang FB post ni blogger-journalist Sass Sasot.
"Pinagmukhang tanga ni Darryl Yap ang lahat ng talak ng talak against MIM. BRAVO!" saad ni Sasot.
Agosto 7, sinabi ni Doctolero na ngayong nasa Day 3 na ang MiM, wala na siyang nababasang historical distortion ang MiM.
"Hindi na ako nakakabasa ng panglalait na may revisionism at distortion daw sa MIM. Nalaman na kasi nila na wala naman pala (nauna lang talaga ang judgement). Ang problema, may panglalait ngayon sa mga taong nanood at nagbigay ng magandang review. As if malaking kasalanan."
"Lord, kailan po ba matatapos ang wala na yatang katapusang hatred na ito sa puso ng ibang mga tao?"
Sa huli, sinabi ng manunulat na muli niyang panonoorin at tatapusin ang Katips. Sa kaniyang tingin, unfair ang ginawa niyang pag-walk out sa kalagitnaan ng pelikula.
"Palagay ko ay unfair ako na nag-walk out sa movie at sinabi kong ampanget after 1 hr and 20 mins na pinanood ito. Mas mabibigyan ko siguro ng tamang review kung makikita ko ang kabuuan. Paumanhin sa sinumang nasaktan sa review na kalahati lang ang nakita ko (mainipin po, pasensya, tao lang). "
"At dahil diyan ay uulitin ko ang panonood at sisikaping tapusin ito. Nawa ay may himala. Mainam ring mapanood ito ng buo (ng lahat) para mabigyan ng fair na paghuhusga (at para di na rin need mag pad pa sa kinita? Char! Biro lang!!). Salamat," dagdag pa ng manunulat.
Samantala, wala pang direktang reaksiyon o tugon si Atty. Vince tungkol dito.