Ibinida ng Kapamilya comedian, contestant ng "Miss Q&A" ng "It's Showtime", at dating celebrity housemate ng "Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10" na si Brenda Mage ang kaniyang bagong gawang bahay, na inspired mismo sa "Bahay ni Kuya".

Ito umano ang bunga ng kaniyang pagsusumikap, pagsisipag, at pag-iipon dahil matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling bahay para sa kaniyang sarili, at para sa kaniyang pamilya.

Laging nagbibigay ng update si Brenda sa mga bagong ganap kaugnay ng kaniyang pinatatayong bagay. Ayon sa kaniyang Facebook update, natulog na sila roon noong Huwebes, Hulyo 28.

"Natapos din ang house warming charot charot… first night here sa bahay… di na ko makapag-video and live kasi nagloloko ang wifi kanina' yun pala mali ng kabit ng kable grrrrrrr… Anyway bukas na tayo mag-update-update napagod ang lola n'yo hehehehehe," aniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Nakatakda umano ang house blessing sa Agosto 8, 2022. Sa ngayon, inaatupag ni Brenda ang pag-aayos ng kaniyang mga gamit.

May mensahe naman si Brenda sa lahat ng bashers niya lalo na noong nasa loob siya ng Bahay ni Kuya.

"Morning.. First day sa bahay.. Thank you Lord. Hala labas bashers dahil pangit ng kulay hahahaha…," ani Brenda sa mga nanlalait sa kulay ng kaniyang bahay, lalo na sa loob nito na kulay-itim ang mga dingding.

"Okay obviously inspired by PBB siya because being a housemate ay napakalaking tulong nito para makapagpagawa ng bahay… at lahat ng binagsak sa akin na BBS at BBE diyan galing ang pagpapagawa ko… And I thank you," aniya pa.

Mapapanood naman sa YouTube channel ni Brenda ang kaniyang house tour. Congrats, Brenda!