Tinitiyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makararating sa mga naapektuhan ng lindol ang kanilang relief goods at hindi magagamit ng mga lokal na opisyal sa pulitika.
Paglilinaw ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, babantayan ng kanilang mga tauhan ang mga ipamamahaging relief goods na dating nakaimbak sa mga regional office bago pa tumama ang kalamidad.
Layunin aniya nitong maiwasan ang umano'y gawain noon ng ilang lokal na opisyal na binubuksan ang food pack ng DSWD upang hati-hatiin at ilagay sa ibang supot na nakatatak ang kanilang pangalan.
"'Yan ang dahilan kung bakit pinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte 'yung prepositioning, binubuksan daw ng ibang Mayor dati 'yung box ng DSWD, hati-hatiin sa tatlong piraso ilalagay sa supot at lalagyan ng pangalan nila. Pera ng gobyerno 'yun, pera ng taumbayan hindi ni Mayor, ni gobernor, kundi ng taumbayan ang ipinambili ng food pack na iyon," pahayag ng kalihim.
Nakikiusap si Tulfo na huwag nang ibaba sa barangay level ang relief goods para maiwasan ang ganitong insidente.
"Ang plano namin, sa LGU, dyan na lang sa munisipyo at hindi na ibaba sa barangay level dahil baka nga hindi makarating sa mga tao, sokung pupuwede, pumunta na lang ang tao, magpalista dun sa kanilang cash assistance dun na kumuha mismo sa mga munisipyo," pahabol pa nito.