Kinasuhan ng dalawang customer ang isang kilalang fast-food chain matapos umano silang makakain ng pritong manok na may nakitang bagay na inilarawan nilang kahawig ng condom.
Humihingi ang magjowang customer ng mahigit $1.5 milyon bilang danyos kaugnay ng insidente, ayon sa petisyong inihain sa korte noong Linggo, Agosto 9, 2026.
Batay sa petisyon, bumili umano ang magkapareha ng pagkain mula sa isang branch ng nabanggit na fast-food chain sa Houston noong Hulyo 25 ang dalawang complainant.
Habang kumakain, umano’y nakagat ng isa sa kanila ang isang piraso ng manok at napansin ang isang bagay na tila nakabaon sa loob nito at kahawig ng condom.
Dahil dito, agad umano silang tumigil sa pagkain at nakaranas ng pagkahilo at pagkaduwal dahil sa pangamba na maaaring nakain na nila ang bahagi ng kontaminadong pagkain bago nila napansin ang naturang bagay.
Iginiit ng dalawang customer na hindi nila matukoy kung ano talaga ang bagay, kung gaano na ito katagal nakabaon sa pagkain at kung posibleng kumalat ang kontaminasyon sa iba pang bahagi ng kanilang order.
Ayon sa petisyon, nangangamba rin umano ang magkapareha sa posibleng na-expose sa bacteria, bodily fluids, sexually transmitted diseases at iba pang mapanganib na substance.
Inakusahan ng dalawang complainants ang fast-food chains at ang franchise owner nito ng kapabayaan dahil umano sa hindi sapat na sanitation procedures, employee hygiene, supervision, quality control at food-handling practices.
Iginiit din nila na dapat sanang napigilan ang insidente kung maayos na ipinatutupad ng restaurant ang mga kinakailangang food safety measures.
Samantala, sinabi ng fast-food chains na nagsagawa ito ng pagsusuri sa internal video ng restaurant ngunit wala umano itong nakitang ebidensiyang magpapatunay sa alegasyon ng mga customer.
Gayunman, agad umanong ni-refund ng franchisee ang pagkain at isinara nang mas maaga ang branch bilang pag-iingat upang magsagawa ng karagdagang retraining sa mga empleyado.
Ayon naman sa mga nagsampa ng kaso, hindi naging maayos ang unang pagtugon ng mga empleyado nang ipaalam nila ang insidente.
Sinabi nilang nagtawanan umano ang ilang staff at nakaramdam sila ng kahihiyan, habang paulit-ulit umano silang inalok na palitan na lamang ang manok sa halip na i-refund ang kanilang pagkain o siyasatin ang insidente.
Kalaunan ay na-refund din umano ang kanilang binili.
Kabilang umano sa kanilang hinihinging danyos ang medical expenses, sakit at pagdurusa, pagkawala ng kita at iba pang pinsala.
Nahaharap ang nasabing fast-food chains sa ilang alegasyon, kabilang ang negligence, gross negligence, negligent hiring, training, supervision and retention, at product liability.
Isinama rin sa reklamo ang umano'y paglabag sa Texas Deceptive Trade Practices—Consumer Protection Act dahil sa pagbebenta umano ng pagkain bilang ligtas para sa mga consumer.
Humiling na ang dalawang complainants ng jury trial habang hinihingi nila ang mahigit $1.5 milyon na danyos mula sa restaurant chain.