Inaresto ng mga tauhan anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang isang aktibong pulis kaugnay ng kinakaharap na kasong carnapping sa Cotabato City nitong kamakailan.
Sa pahayag ni Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) chief, Brig. Gen. Samuel Nacion, kinilala ang akusado na si Patrolman Jassim Muhammad Aking, miyembro ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM).
Dinampot si Aking sa 28th Purok Pinnen, Rosales Street, Barangay Rosary Heights VI nitong Miyerkules ng hapon, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng hukuman sa dalawang kasong carnapping (New Anti-Carnappoing Act of 2016).
Inirekomenda ng korte ang piyansang ₱300,000 sa bawat bilang ng kaso.
Kamakailan, nagsampa ng reklamo sa hukuman si Jacob Maliga, 65, matapos umanong tangayon ni Aking ang motorsiklo nito na nagkakahalaga ng ₱35,000.
Nagreklamo rin si Julieto Eden Gornez, Jr., nang tangayin umano ni Aking ang kotse nito na nagkakahalaga ng ₱750,000 kamakailan.
Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-BARMM Office sa Cotabato City si Aking, ayon pa sa pulisya.
PNA