Kumilos na ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa kautusan ni Cebu Governor Gwen Garcia na optional na pagsusuot ng face mask sa lalawigan na nasa ilalim pa rin ng Alert Level 2 sa banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, tatlong araw ang ibinigay nila sa provincial government upang bawiin ang executive order nito na pirmado ni Garcia noong Hunyo 8.

Tiniyak ni Año na mapipilitan silang gumawa ng legal action kung hindi mareresolba ang usapin sa loob ng tatlong araw.

Labag aniya sa Executive Order No. 151 ang kautusan ng provincial government na kahit hindi na mag-face mask sa pampublikong lugar sa lalawigan, maliban na lamang kung nasa kulong na lugar at air-conditioned areas.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Paglilinaw ni Año, hindi pa dapat magpatupad ng pagluluwagsa face mask rule ang probinsya dahil nananatili pa rin ito sa Alert Level 2.

Nauna nang naglabas ng pahayag si National Task Force against Covid-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na nasa kalahati pa lang ng populasyon ng Cebu ang bakunado.

Matatandaang umaalma rin ang Department of Health (DOH) na nagsabing hindi sila kinonsulta sa hakbang ni Garcia.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, hindi lang panlaban sa virus ang face mask, kundi isa rin ito sa proteksyon laban sa monkeypox at iba pang sakit.