Umabot sa 149 na pagyanig ang naitala sa Bulusan Volcano sa Sorsogon sa nakaraang 24 oras, ayon sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes.

Sa pahayag ng Phivolcs nitong Biyernes, mas mataas ang naturang bilang kumpara sa naitalang limang pagyanig nitong Huwebes.

Nilinaw ng ahensya na isa ito sa palatandaan na patuloy pa rin ang pag-aalburoto ng bulkang isinailalim pa rin sa Alert Level 1.

Nakapagtala rin ang Phivolcs ng 100 metrong taas ng usok na ibinuga ng bulkan pa-hilagang kanluran.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Nitong Hunyo 9, nagbuga rin ang bulkan ng 824 tonelada ng sulfur dioxide.

Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang paglapit at pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa posible pang pagputok ng bulkan.

Matatandaang binalot ng abo ng bulkan ang ilang bayan sa Sorsogon, kabilang na ang Juban, Casiguran at Irosin kasunod na rin ng phreatic eruption nitong Linggo ng umaga.

Huling pumutok ang Bulusan Volcano noong Hunyo 5, 2017, ayon pa sa Phivolcs.