Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residenteng apektado ng ashfall, na dulot ng phreatic eruption ng bulkang Bulusan sa Sorsogon, na manatili na lamang muna sa loob ng kanilang bahay.

Sa isang public health warning nitong Linggo, binalaan ng DOH ang mamamayan na ang volcanic ash na ibinubuga ng bulkan ay nagtataglay ng carbon dioxide at fluorine na may masamang epekto sa kalusugan kung malalanghap.

Inihayag ng ahensya, mas makabubuti kung ang mga residente ay mananatili na lamang sa loob ng kanilang bahay upang makaiwas sa direktang exposure o pagkalantad sa volcanic ash.

Ayon sa DOH, makatutulong din ang pagsasara ng mga pinto at bintana, pagpapanatiling basa sa kapaligiran upang maiwasan ang ambient dust at paglalagay ng mga kurtina na bahagyang basa sa mga pinto at bintana.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Pinaiiwas din ang mga residente na lumanghap ng hangin na may ashfall sa pamamagitan nang pagsusuot ng face masks, takpan ang balat at gumamit ng salamin o goggles kung hindi maiiwasang lumabas ng bahay.

Kung magluluto at kakain, dapat natiyakingnakapaghugasng kamay ng mabuti at hugasan ang mga prutas at gulay sa running water.

Payo pa ng DOH, takpang mabuti ang mga lagayan ng tubig upang hindi mapasok ng abo at tiyaking ang imbak nilang mga pagkain ay hindi pa expired at ligtas pang kainin.

Pinaalalahanan din ng DOH ang mamamayan na alamin ang sitwasyon sa mga kalsada bago bumiyahe at sumunod sa batas trapiko, maghanda ng emergency bag at magdala ng sapat na suplay ng tubig, pagkain, damit, first aid kit, at mga gamot, sakaling kailanganin nang lumikas ng mga ito.

Dakong 10:37 ng umaga nitong Linggo nang magkaroon ng phreatic eruption ang bulkan na ikinaalarma ng mga residente.