Nagrereklamo na ang mga benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced Workers (TUPAD) laban sa pamilya ni Quezon Governor Danilo Suarez kaugnay ng pananamantala umano sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Pawang tumatakbo muli ang mga miyembro ng pamilya ng gobernador,  kabilang ang asawa na si Quezon 3rd District Rep. Aleta Suarez, anak na si Quezon 2nd District Rep. David "Jayjay" Suarez, manugang na si ALONA Party-list Rep. Ana Marie Villaraza- Suarez at anak na si Provincial Board Member Donaldo Suarez.

Kumakandidato naman sa pagka-alkalde sa Unisan, Quezon ang isa pang anak na si Danilo Suarez, Jr. 

Pagpapaliwanag ng mga benepisyaryo ng programa, hindi umano nakikita sa Quezon ang tunay na kahalagahan ng programa dahil napakarami umano ang isinasali rito na hindi kabilang sa sinasabing "displaced workers.

Probinsya

Barangay chairman sa Ilocos Norte, pinagbabaril

Karamihan umano rito ay kaanak at kaibigan ng mga coordinators at barangay chairman na kaalyado ng pamilya ng gobernador.

Sa halip na isagawa umano ang pay-out sa mga manggagawa sa mga bayan-bayan, iniipon sila sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pang lugar upang pakainin mula umaga hanggang hapon at pagkatapos ihahatid sa kanilang lugar.

Inoobliga rin ang libu-libong benepisyaryo na makinig sa mga nagtatalumpating kandidatong kaalyado ng gobernador bago isagawa ang aktuwal na pay-out.

Ang pinakahuling pay-out na isinagawa ng pamilya Suarez ay noong Miyerkules Santo na dinaluhan ng mahigit 4,000 na benepisyaryo kung saan tahasan umanong namumulitika ang gobernador.

Sa salaysay ng mga nakasaksing TUPAD workers makikita sa venue ang isang higanteng screen kung saan ipinakikita ng gobernador ang mga detalye ng tangkang pagpatay sa kanyang political ally na si Infanta, Mayor Grace America noong Pebrero 27 gayundin ang mahigit dalawang toneladang shabu na nahuli sa nasabing bayan makalipas ang isang linggo na ayon sa kanya ay gagamitin sanang campaign fund kung sakaling naging pera.

Ayon sa mga nakasaksi, malinaw na ginagamit ng pamilya Suarez sa pamumulitika ang nasabing programa ng DOLE, at iba pang programang tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Bakit naman kailangan muna kaming makinig sa mga talumpati at pangangampanya ng mga kandidato bago maibigay sa amin ang sahod na pinaghirapan namin sa pagtatrabaho. At bakit kailangan pang siraan muna sa aming harapan ang mga kalaban nilang kandidato?" hinaing naman ng isang benepisyaryo.

Kamakailan, tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello na pinaiimbestigahan niya ang umano'y paggamit ng ilang pulitiko sa TUPAD program sa para sa kanilang pansariling interes.