Nilinaw ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Huwebes, Abril 30, 2026, na kung matatanggap ng Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, agad silang kikilos at magtitipon bilang impeachment court kinabukasan.
Pahayag ito ni Sotto kasunod ng paliwanag ng Supreme Court (SC) hinggil sa salitang “forthwith” sa Konstitusyon, na ayon sa hukuman ay nangangahulugang sa loob ng “reasonable time” at hindi kinakailangang agad-agad.
KAUGNAY NA BALITA: Korte Suprema, nilinaw ang tungkol sa 'forthwith' ng impeachment
“I think the Supreme Court decision is based on the petition. Hindi naman sumasaklaw ‘yung decision na ‘yan sa trabaho ng Senado. Does not have anything to do with the work of the Senate. We are co-equal of branch. That’s why tama yung decision nila, pero as far as that petition that was filed to them is concerned, not on the way the Senate is conducting itself,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, may sarili siyang interpretasyon sa naturang termino pagdating sa aksyon ng Senado.
“And in this case, if ever we receive the articles of impeachment, we will act on it forthwith. Sa akin ang forthwith, [means] the following day,” aniya.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, nakasaad na kapag naisumite ang Articles of Impeachment na may suporta ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, dapat ay agad na simulan ng Senado ang paglilitis.
Gayunman, sinabi ng Korte Suprema na ang “forthwith” ay maaaring mangahulugang mas maikli o mas mahabang panahon depende sa sitwasyon, upang mabigyan ng sapat na oras ang Senado na makapaghanda bilang impeachment court.
Binigyang-diin din nito na dapat iwasan ang anumang hindi kinakailangang pagkaantala sa proseso.
Nauna nang nagpatawag si Sotto ng caucus sa mga senador upang talakayin ang mga paghahanda sakaling matuloy ang impeachment trial. Ayon pa sa kaniya, posibleng i-livestream ang pagdinig at gawing bukas sa publiko.
Matatandaang naging usapin ang interpretasyon ng “forthwith” noong nakaraang Kongreso nang matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Senate President Sen. Chiz Escudero.