May 05, 2026

Home BALITA National

Korte Suprema, nilinaw ang tungkol sa 'forthwith' ng impeachment

Korte Suprema, nilinaw ang tungkol sa 'forthwith' ng impeachment
Photo courtesy: MB File Photo/Pixabay

Ipinahayag ng Supreme Court of the Philippines na isinantabi nito ang petisyong naglalayong pilitin ang Senado na agarang magpulong bilang impeachment court upang litisin ang mga sakdal laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa sesyon nitong Abril 29, 2026, na mababasa naman sa opisyal na Facebook page ng SC, ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petition for mandamus na inihain ni Catalino Aldea Generillo Jr.

Ayon sa desisyong 14-0-1 na isinulat ni Rodil V. Zalameda, hindi angkop na remedyo ang mandamus upang pilitin ang Senado sa ganitong usapin.

Ipinaliwanag ng Korte na ang mandamus ay ginagamit lamang upang ipatupad ang isang malinaw na legal na tungkulin. Gayunman, hindi maaaring pakialaman o kontrolin ng Hudikatura ang mga aksyon ng Senado na nasa loob ng saklaw ng kapangyarihan nito bilang isang kapantay na sangay ng pamahalaan, maliban na lamang kung mayroong grave abuse of discretion.

Petisyon, sinuri bilang certiorari

National

Erice, kinukumbinse si Mar Roxas na tumakbo sa 2028 presidential elections

Sa kabila nito, alang-alang sa interest of equity, itinuring ng Korte Suprema ang petisyon bilang isang petition for certiorari upang masuri kung nagkaroon ng labag sa batas o labis na paggamit ng kapangyarihan ang Senado sa hindi nito agarang pag-upo bilang impeachment court habang nasa session break.

Sa pagsusuri, napag-alaman ng Korte na kumilos ang Senado sa loob ng makatuwirang panahon kaugnay ng reklamo ng impeachment.

Bagama’t may itinakdang panahon ang House of Representatives of the Philippines para aksyunan ang impeachment complaint, walang partikular na takdang oras ang Senado upang simulan ang paglilitis. Tanging ang salitang “shall forthwith proceed” ang nakasaad sa Konstitusyon.

Nilinaw ng Korte na ang terminong “forthwith” sa Article XI, Section 3(4) ay nangangahulugang pagsasagawa sa loob ng makatuwirang panahon, na maaaring mag-iba batay sa sitwasyon. Ibig sabihin, may sapat na diskresyon ang Senado upang ihanda ang mga kinakailangan bago magsagawa ng impeachment trial.

Isyu, itinuring na moot

Dagdag pa ng Korte Suprema, naging moot na ang petisyon dahil nagsimula na ang Senado sa mga preparasyon para sa impeachment. Bukod dito, napawalang-bisa na ang Articles of Impeachment laban kay Duterte sa naunang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Duterte v. House of Representatives noong Hulyo 25, 2025 at Resolusyon noong Enero 28, 2026.

Ipinaliwanag ng Hukuman na ang isang kaso ay nagiging moot kapag nawalan na ito ng saysay dahil sa mga sumunod na pangyayari, kaya’t hindi na kinakailangan pang maglabas ng pinal na desisyon. Dahil wala nang umiiral na Articles of Impeachment, wala na ring batayan upang utusan ang Senado na magpulong bilang impeachment court.

Magkakaibang opinyon

Samantala, nakiayon si Marvic M.V.F. Leonen sa resulta na moot na ang petisyon. Gayunpaman, iginiit niya na nararapat sana na agad na binuo ang impeachment court at ang buong Senado—hindi lamang ang Senate President—ang dapat nanguna sa proseso.

Hindi naman lumahok sa deliberasyon si Alfredo Benjamin S. Caguioa.

Matatandaang naging kontrobersiyal ang pag-interpret sa salitang forthwith sa unang pag-akyat ng impeachment trial ni VP Sara sa Senado noong 2025, na kalaunan ay na-archive naman. 

Maki-Balita: ALAMIN: Ano nga bang ibig sabihin ng pinagtatalunang salitang 'forthwith?'

Maki-Balita: ALAMIN: Ang desisyon ng Senado mula motion to dismiss patungong motion to archive