Nasilayan ang pagningning sa kalangitan ng tinawag na 'Pink Moon' sa Masbate simula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng Pagkabuhay.

Inabangan ng mismong photographer at moon lover na si Jeromie Cagayan ang paglitaw ng nasabing buwan kaya kinunan niya ito sa Barangay Dao, Balud, Masbate.

Paliwanag nito, hilig na niyang mag-abang ng mga astronomical events sa bansa, katulad ng 'Pink Moon.'Sinabi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), resulta ito ng pagkakatapat full pink moon sa perigee, o ang pagdaan ng buwan sa parte ng orbit na pinakamalapit sa mundo.

Binanggit pa na hindi talaga kulay rosas ang nasabing buwan dahil kulay ginto ito at kaya lamang tinawag na 'Pink Moon' dahil sumasabay ang paglitaw nito sa pamumulaklak ng kulay rosas ng halamang phlox salubata sa North America kada Abril.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Bukod sa nasilayang 'Pink Moon,' walo pang astronomical events ang inaasahang masisilayan ngayong 2022.

Ito ay kinabibilangan ng 'Flower Moon sa Mayo 16, 'Strawberry Moon' sa Hunyo 14, 'Buck Moon' sa Hulyo 13, 'Sturgeon Moon' sa Agosto 11, 'Harvest Moon' sa Setyembre 10, 'Beaver Moon' sa Nobyembre 8, at 'Cold Moon' sa Disyembre 7.