Positibo ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi masyadong mataas ang posibilidad na itaas sa Alert Level 4 ang status ng bulkang Taal.

Ayon kay Phivolcs chief science research specialist Ma. Antonia Bornas, ang aktibidad sa pangunahing bunganga ng Taal ay pinangungunahan ng pagtaas ng maiinit na volcanic fluid sa lawa nito na nagdulot ng mga plume na aabot sa 2,400 metro ang taas.

Dagdag pa nito, ang sulfur dioxide (SO2) emission ay may average na 4,273 tonelada noong Lunes, Marso 28.

Ang Taal Volcano ay nasa alert level 3 (magmatic unrest) simula noong Marso 26, na nagpapahiwatig na mayroong magmatic intrusion sa main crater na maaaring higit pang magdulot ng mga susunod na pagsabog.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Tatlong phreatomagmatic burst din ang nakita sa Taal Volcano sa loob ng 24-hour observation period.

Ang mga pagsabog na ito ay nangyari noong 9:30 a.m., 9:33 a.m. at 9:36 a.m. noong Marso 28, at nagbunga ng mga plume na 400 metro hanggang 800 metro ang taas.

Ang phreatomagmatic eruptions ay sanhi ng interaksyon ng magma at tubig. Ang mga pagsabog ay karaniwang binubuo ng maraming mga paputok na kaganapan, na ang pagitan ay maaaring mag-iba.

Walong volcanic earthquakes dulot ng paggalaw o pagsabog ng magma mula sa bulkan ang natukoy din sa nakalipas na 24 na oras. Kasama sa figure ang isang volcanic tremor na tumagal ng limang minuto, at pitong low-frequency volcanic earthquakes.

Sinabi ni Bornas na ang Bulkang Taal na nasa alert level 3 ay maaaring mapanatili kung ang katulad na aktibidad ng phreatomagmatic ay maulit, o maaaring ilagay sa alert level 2 kung walang aktibidad na phreatomagmatic na magaganap sa susunod na dalawang linggo,

Samantala, inirekomenda ng Phivolcs na ilikas ang mga nasa Taal Volcano Island (TVI) at high risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Boso-Boso, Gulod at eastern Bugaan East, Laurel, Batangas dahil sa posibleng panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung magkakaroon ng mas malalakas na pagsabog.

Dapat ipagbawal ang pagpasok sa TVI at mga high risk barangay Agoncillo at Laurel. Dagdag pa, dapat ipagbawal ang lahat ng aktibidad sa Taal Lake, dagdag ng Phivolcs.

Pinapayuhan din ang mga komunidad sa baybayin ng Taal Lake na manatiling mapagbantay, magsagawa ng mga hakbang sa pag-iingat laban sa posibleng airborne ash at vog, at mahinahong maghanda para sa posibleng paglikas sakaling tumindi ang kaguluhan.