Nagpahayag ng suporta si SAGIP party-list Rep. Paolo Marcoleta para sa kaibigang si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kasunod ng umano’y hakbang upang mapatalsik ito sa Kamara.
Sa isang social media post, nagbahagi muna si Marcoleta ng biro habang kalakip ang larawan nilang magkakasama sa loob ng plenaryo, kasama pa si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
“Bruce Wayne (left), Clark Kent (right) and the Joker (center),” pabirong caption ni Marcoleta sa kaniyang Facebook post, na tumutukoy sa fictional superheroes na sina Batman, Superman, at ang kalaban ni Batman na si Joker.
Ngunit naging seryoso ang kaniyang mensahe nang banggitin niyang may naririnig umano siyang plano upang tuluyang mapatalsik si Barzaga sa House of Representatives.
“Kidding aside, I heard that there is a move to expel my friend Cong. Meow Congressman Kiko Barzaga from the House for good,” saad niya.
Ayon kay Marcoleta, hindi umano mapipigilan ng pagpapatalsik sa puwesto si Barzaga sa pagpuna sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa maling gawain at matinding kapabayaan.
“I hope they know that expelling him won’t make him stop from calling out public officials for apparent wrongdoings and gross incompetence,” dagdag niya.
Inihalintulad pa ni Marcoleta si Barzaga sa sikat na cartoon cat na si Garfield na umano’y pinag-iinitan ng “clan of hyenas.”
“Imagine a very popular, well-loved cat like Garfield being preyed upon by a clan of hyenas,” ani Marcoleta.
Iginiit din niya na hindi umano matitinag ang suporta ng publiko kay Barzaga kahit mawala ito sa puwesto.
“You cannot stop his crusade by removing him from office—and you cannot stop him from being adored by the people even more. After all, the cat has nine lives,” pahayag pa niya kasabay ng hashtag na “#meow.”
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Kamara ukol sa umano’y hakbang na pagpapatalsik kay Barzaga.
Matatandaang dalawang beses na nasuspinde si Barza dahil sa ethics complaints laban sa kaniya, dahil sa behavior niya at mga pahayag sa social media laban sa ilang mga kasamahan sa House of Representatives, at direktang pambabatikos kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.