Dalawang umano'y opisyal ng Communist Party of the Philippines New People's Army (CPP-NPA) ang napatay nang makasuga umano ang mga awtoridad Barangay Alejandrea, Jiabong, Samar nitong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ng mga awtoridad ang dalawa na sina Amado Adelantar, alyas 'Kumander Butil' at 'Ka Boy,' 69, at Maria Norie Adelantar alyas 'Ka Sidang,' kapwa opisyal ng CPP-NPA.
Sa imbestigasyon ng pulisya, aabot sa P2.9 milyon ang pabuyang inilaan ng pamahalaan upang maaresto si Kumander Butil.
Naiulat na miyembro rin ito ng Executive Committee at Secretariat ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Naging adviser din umano ito ng Sub-Regional Command (SRC) Browser.
Patung-patong din ang kinakaharap niyang kaso sa Regional Trial Court ng Catbalogan City sa Samar. Kabilang sa kanyang kaso ang murder, frustrated murder, homicide, at robbery with homicide.
Walong warrant of arrest ang nakabinbin laban kay Kumander Butil, ayon sa ulat.
Isa naman umanong finance officer ng SRC Browser si Ka Sidang.
Bago ang sagupaan, nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen kaugnay ng namataan na anim na armadong lalaki sa naturang lugar dakong 2:00 ng madaling araw.
Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Jiabong Municipal Police, 87th Infantry Battalion (IB) Philippine Army, at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Samar Police Provincial Office.
Sa pahayag ng mga ito, pagdating nila sa lugar ay binaril na sila ng mga rebelde kaya nagkaroon ng sagupaan.
Matapos ang ilang minutong engkuwentro ay tumakas ang mga rebelde at iniwan ang napatay na mag-asawa.
Narekober sa lugar ang isang 9mm pistol na may kargang 5 bala, 3 basyo ng 5.56 caliber, 3 basyo ng 9mm pistol, isang MK2 hand grenade at isa pang granada.
Binanggit pa na kabilang ang mag-asawa sa nagso-solicit sa mga kandidato para sa kanilang permit to campaign.
Marie Tonette Marticio