QUEZON - Sugatan ang 16 katao, kabilang ang driver ng isang pampasaherong jeep nang mahulog sa bangin sa old Zigzag Road, Barangay Silangang Malicboy sa Pagbilao nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa ulat na natanggap ni Quezon Police Provincial Director Col.Joel Villanueva, isinugod sa Quezon Medical Center ang mga nasugatang pasahero na kinikilala pa rin ng mga awtoridad.

Kasama rin isinugod sa ospital ang driver ng jeep na Ronnel Francia, 28, at taga-Brgy. Tagas, San Jose, Camarines Sur na nagtamo ng sugat sa ulo at nabalian ng buto.

Sa paunang ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa tinatawag na Bitukang Manok road dakong 3:00 ng madaling araw.

Probinsya

74-anyos na lolang hinabol ang alagang pusa, patay matapos mabangga

Sinabi ng pulisya, galing ng San Jose, Camarines Sur ang jeep na may plakang PND-231 at pabalik na sana sa Dasmariñas sa Cavite nang maganap ang aksidente.

Tinatahak ng jeep ang pababang bahagi ng kalsada nang mawalan umano ito ng preno hanggang sa bumangga sa concrete barrier at tuluyang nahulog sa mahigit sa 100 talampakang bangin.

Nahirapan naman ang mga rescuer mula sa Pagbilao Municipal Disaster, Risk Reduction and Management Office at Pagbilao PNP dahil sa dilim at lalim ng lugar.

Danny Estacio