Pinayagan ng hukuman ang hiling ni Senator Leila de Lima na makita ang 89-anyos na inang nahawaan ng COVID-19, sa pamamagitan ng video conference call.
Kaagad na pinahintulutan nina Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 Judge Romeo Buenaventura at Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara ang mosyon ng senador dahil sa humanitarian reasons at apurahang hiling nito.
Nauna nang naghain ng magkahiwalay na mosyon si De Lima sa dalawang huwes na may hawak ng kanyang aso at idinitalye kung paano nahawaan ng COVID-19 ang kanyang ina na si Norma Magistrado de Lima noong Enero ng taon.
Nitong Enero 22, isinugod sa Villanueva-Tanchuling Maternity and General Hospital sa Iriga City, Camarines Sur ang ina ng senador.
Dahil sa lumalala na ang kanyang kalagayan, inilipat na sa NICC Doctors Hospital sa Naga City ang ina ni De Lima nitong Pebrero 2, ayon sa mosyon ni De Lima.
“Given the positive COVID-19 tests previously administered, in addition to Ms. De Lima’s advanced age and overall declining health, it is extremely urgent that Accused De Lima be given the opportunity to see her mother, even through online video conferencing, without further delay, preferably within the day,” ang bahagi pa ng mosyon ng senador.
Si De Lima ay nakakulong pa rin sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa umano'y pagkakasangkot sa bentahan ng illegal drugs sa National Bilibid Prison.