Walang nakikitang dahilan ang mga alkalde sa Metro Manila upang itaas ang alert level status sa rehiyon at nagkasundo ang mga ito nitong Lunes, Enero 10, na irerekomenda nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) na panatilihin na lamang ang pagpapairal nito.
Sa isang pulong balitaan, binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority at kasalukuyang Metro Manila Council Chairman Benhur Abalos na ang healthcare utilization rate (HCUR) sa Metro Manila sa pagitan ng Enero 8 at Enero 9 ay may bahagya lang na pagtaas kung saan nananatiling nakapaloob sa metrics para sa Alert Level 3.
Sa datos ng Department of Health, ang ICU bed utilization ay nasa 51% nitong Enero 8 at umakyat sa 52% nitong Enero 9. Ang isolation beds naman ay nasa 50% na mula sa dating 50% sa parehong petsa.
Habang ang ward beds utilization ay pumalo sa 62% nitong Enero 8 hanggang sa umabot sa 65% nitong Enero 9. Bumaba naman sa 26% ang ventilators utilization nito mula sa dating 27% ayon na rin sa magkakasunod na petsa.
“We are consistently monitoring the region’s HCUR rate and we assure that the NCR mayors are ready in case the metrics show the need to escalate Metro Manila to alert level 4,” pahayag pa nito.
Bella Gamotea