Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go nitong Miyerkules, Disyembre 29, sa mga miyembro ng Kongreso na ipasa ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng mga ligtas at maayos na evacuation center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong Pilipinas.

Ito ang apela ni Go pagkatapos ang mapaminsalang pananalasa ni Bagyong Odette kamakailan.

Matatandaang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1228 o ang panukalang Mandatory Evacuation Center Act noong 2019 upang matiyak na ang mga biktima ng mga sakuna ay magkakaroon ng akses sa mga pansamantalang tirahan na masisiguro ang kaligtasan, maitataguyod at mababantayan ang kanilang kapakanan habang bumabangon sa sakuna.

“When disaster strikes, the Filipinos, especially those underprivileged, suffer. In most instances, this disaster renders their homes unlivable, leaving the victims without roofs,” ani Go.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Sinabi ni Go na ang mga paaralan, barangay center, gymnasium o basketball court na kadalasang ginagamit bilang evacuation center ay hindi mainam na pansamantalang tirahan.

“Kaya panahon na po magkaroon tayo ng evacuation center sa bawat bayan,” pagpupunto ni Go.

Giit pa niya, “We need to erect safe, permanent and dedicated evacuation centers that can offer sufficient emergency packs, like blankets, water, medicine, flashlight and ready relief goods.”

“The government has an obligation to ensure it is ready to help during whatever calamity.”

Kasalukuyang nakabinbin ang panukalang batas sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation kasama ang Senate Bill No. 205 na inihain ni Go. Hinahangad niya na ang paglikha ng Department of Disaster Resilience.

Kasunod ng pananalasa ng Bagyong Odette, sinabi ni Go na mas kailangan pang maipasa ang mga hakbang nang mas maaga, at pinuntong kailangang maging mas maagap ang gobyerno sa pagtugon sa mga sakuna at natural na kalamidad.

Hannah Torregoza