Nakatakda nang simulan ang pagdaraos ng localized ‘Traslacion’ sa ilang lugar sa bansa sa Lunes, Disyembre 27.

Matatandaang nagpasya ang Simbahang Katolika na magsagawa na lamang ng localized Traslacion, kung saan bibisita ang Poong Nazareno sa iba’t ibang panig ng bansa, bilang bahagi ng adjustment na isinagawa ng simbahan dulot ng COVID-19 pandemic restrictions.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, ang imahe ng Itim na Nazareno ay unang dadalhin sa Our Lady of the Angels Church sa Quezon province.

“Magsisimula na bukas (Lunes), ilalabas na ang Nazareno, pupunta na ito ng Atimonan,” ani Badong, sa panayam sa teleradyo.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Kaugnay nito, hinikayat rin ng simbahan ang mga deboto na sa kani-kanilang simbahan na lamang muna mag-novena dahil mayroon naman nang imahe ng Itim na Nazareno doon.

“Gaya ng ginawa namin, i-encourage ‘yung mga deboto na sa kani-kanila munang mga simbahan mag-Novena dahil meron din namang mga Nazareno image so para doon muna sila pumunta dahil hindi namin kakayanin ‘yung normal na bilang ng tao na pumupunta dito kapag Traslacion,” dagdag pa niya.

Una nang inianunsiyo ng simbahan na suspendido muli ang tradisyunal na Traslacion sa Quiapo sa Enero 9 dahil na rin sa pangambang maging dahilan ito nang higit pang hawahan ng COVID-19.

“‘Yung Nazareno na muna ang lilipat, ang lalabas para sa mga deboto,” aniya pa.

Naglabas na rin naman ang Quiapo church ng schedule ng idaraos na localized Traslacion.

Mary Ann Santiago