Naglabas ang Pentagon ng panibagong batch ng mga dokumento at video kaugnay ng mga naiulat na Unidentified Flying Objects (UFO) sightings o mga hindi maipaliwanag na lumilipad na bagay, kabilang ang mga ulat ng “green orbs, discs and fireballs” na umaabot pa umano noong 1948.
Kabilang sa inilabas na materyales ang anim na dokumento, ilang audio recordings, at 51 video, kabilang ang isang video kung saan makikitang tila pinaputukan at nasira ang isang UFO, bagaman hindi ipinaliwanag ang eksaktong pangyayari sa insidente.
Ito na ang ikalawang bugso ng mga file na inilabas matapos ang utos ngayong taon ni Donald Trump para sa mas malawak na paglalabas ng mga classified materials hinggil sa mga hindi maipaliwanag na aerial phenomena.
MAKI-BALITA: 'Very interesting to people!' Trump, iispluk na UFO files!
Nauna nang nag-upload ang Pentagon ng 161 files noong Mayo 8, 2026 at nangakong maglalabas pa ng dagdag na dokumento.
Sa ulat, inilarawan ng mga saksi sa Sandia, New Mexico kung paano umano nagmamaniobra, mabilis na lumilipad, nawawala, at kalaunan ay sumasabog ang mga misteryosong bagay na nakita nila sa himpapawid.
Sa isa pang dokumento, ibinahagi naman ng isang hindi pinangalanang senior US intelligence officer ang kaniyang personal na karanasan habang sakay ng military helicopter sa western United States noong 2025.
Ayon sa opisyal, nakakita siya ng mga misteryosong “orange orbs flaring up and down” habang iniimbestigahan ang umano’y “loud thuds heard in the mountains” sa isang military test range kung saan may mga nauna nang ulat ng UFO sightings.
“They were oval-shaped, orange with a white or yellow centre, and emitted light in all directions,” ayon sa ulat ng intelligence officer.
Dagdag pa nito, tila nagsama-sama umano ang mga orb at bumuo ng “distinct triangle,” bago tuluyang naglaho.
Sa kabila ng mga ulat at video, nilinaw ng Pentagon na walang inilabas na konklusyon ang mga dokumento hinggil sa pag-iral ng extraterrestrial life o alien technology. Ayon sa mga opisyal ng US, nasa publiko na umano ang pagpapasya kung paano bibigyang-kahulugan ang mga inilabas na materyales.