Inihayag ni US President Donald Trump na nakatakda na raw ilabas ng Pentagon ang unidentified flying objects (UFO) files sa publiko.
Sa panayam ng media kay Trump, marami raw silang isisiwalat hinggil sa mga UFO files na kukuha ng interes ng publiko.
"We're going to be releasing a lot of things that we haven't," ani Trump.
Hirit pa niya, "I think some of it's going to be very interesting to people."
Matatandaang makailang beses nang ipinapakita ng administrasyon ni Trump ang anila'y kagustuhan nilang magbahagi ng mga sikreto at transparency kabilang na ang kontrobersyal na pasilidad na Area 51.
Noong Pebrero, nauna na niyang inihayag ang kautusan niyang isapubliko ang UFOs at unidentified aerial phenomena (UAP) files.
"The first releases will begin very, very soon," anang US President.
Ang Area 51 ay isang classified Air Force facility sa Nevada na matagal nang pinaniniwalaan ng ilang conspiracy theorists na nagtatago ng mga katawan ng alien at bumagsak na sasakyang pangkalawakan.
Ayon naman sa National Archives and Records Administration, may hawak itong iba’t ibang koleksyon ng rekord na may kaugnayan sa UFOs.
Samantala, aminado rin si Trump na hindi rin daw niya alam kung totoo ang mga aliens o hindi.
“Well, I don't know if they're real or not,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Tunay kaya? 'Alien files,' isasapubliko ni US President Trump!